Lutuan sa Ombudsman at Umiba si Dirty Harry

TUMANGGAP NA ng “lagay” na tatlong milyong piso mula kay Mayor Gracia Llamado ang taga-Ombudsman para maibasura ang kasong “graft and corruption” na kasalukuyang nakasampa laban sa nasabing alkalde ng Baleno, Masbate.

Ito, parekoy, ang ipinangangalandakan umano ng ilang tao na malalapit kay Mayor Llamado, dahilan upang panghinaan na ng loob ang mga taga-Baleno na mababalewala na lamang ang kanilang isinampang kaso sa Ombudsman.

Sa totoo lang ay hindi natin pinaniniwalaan ang tsismis na ito. Dahil hindi naman siguro ganoon ka-desperado si Llamado para gawin ang bagay na ito.

At lalo naman sigurong hindi ganoon ka-kapal ang mukha ng mga taga-Ombudsman para magbenta ng kaso! Lalo na sa ilalim ng pamamahala ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales na sadyang inilagay ni P-Noy upang matiyak ang matuwid na daan sa mga opisyal ng ating pamahalaan.

Kaya naman paulit-ulit nating pinapayapa ang kalooban ng nagreklamo sa atin. Tiniyak ko sa kanya na malabong mangyari ang tsismis na kanilang nasagap.

‘Yun nga lang, parekoy, muntik na tayong mabulunan nang ibuwelta sa atin ang salitang ito: “Mr. Briones, kung hindi totoong bayad na ang Ombudsman, bakit hanggang ngayon, mula pa noong 2010 ay wala pa ring nangyayari sa kaso na aming isinampa?”

Oo nga ano? Aba eh, malay ninyo kung bago ang 3010 ay mapagdesisyunan na ng Ombudsman? Ehek! At least hindi naman inabot ng sentenaryo o isandaang taon! He, he, he!

Siguro naman, Madam Ombudsman, dapat na ngang mabusisi ang kasong ito ng pangungulimbat sa isang maliit at pobreng bayan sa lalawigan ng Masbate.

Aba eh, habang pinatatagal ninyo ang kasong ito ay unti-unti na hong naniniwala ang mga taga-Baleno na posible ngang nabibili pa rin hanggang ngayon ang mga kaso d’yan sa Ombudsman!

Magkano nga ba ang dahilan ng pagkabalam sa inyong resolusyon?

BIGLANG PUMIHIT si Dirty Harry ng 360 degrees mula sa kanyang matinding paninindigan laban sa iligal na droga sa lungsod ng Maynila.

Ito ay matapos alisin ni Mayor Lim ang lahat ng “anti-drugs unit” sa lahat ng Police Station sa buong Manila Police District.

Tandang-tanda ko pa parekoy ang tikas noon ni Mayor Lim nang libutin niya ang mga bahay ng pinaghihinalaang mga adik sa lungsod ng Maynila at pintahan ang mga bahay nila bilang pagpapakilala na sila ay sangkot sa iligal na droga.

Andaming humanga noon kay Dirty Harry.

Hanggang sa isang araw ay nagulantang ang lahat ng biglang nahuli ang anak ni Mayor Lim sa kasong iligal na droga!

Masakit siyempre kay Lim ang naganap na insidente.

‘Wag mong sabihing bakal ang dibdib ng isang tao, kapag pamilya na niya ang nasasangkot, tiyak itong lalambot!

Aminado tayo, parekoy, na may sariling layunin si Lim kung bakit inalis niya ang lahat ng unit sa kanyang kapulisan na naatasang lumaban sa iligal na droga.

Ngunit hindi rin maiaalis ni Lim na marami tiyak ang magtataka sa kanyang ginawa.

At posibleng isipin nila… lumambot na ba si yorme sa droga?

PAKINGGAN ANG aking programang ALARMA Kinse Trenta sa radio station DZME, 1530kHz, AM band (dulong-kanan ng talapihitan) tuwing alas 6-7 ng umaga, Lunes hanggang Biyernes. Mapapanood rin ito via live streaming sa www.dzme1530.com. Anumang reaction ay ipaabot lamang sa [email protected] o CP No. 09321688734. 

Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303

Previous articleMga Dokumentong Dapat Mabasa Muna ng OFW
Next articleMadras Compound

No posts to display