PAGKATAPOS maging kauna-unahang The Voice Kids Philippines season one champion noong 2014 ay binalikan ni Lyca Gairanod ang pag-aaral. Hindi raw siya nanghihinayang na ginawa niya ito kahit pa naging dahilan ito para bumagal ang takbo ng kanyang singing career.
“Unang-una po, hindi po ako nanghihinayang. Basta po ano… nakapag-aral po ako,” reaksyon ni Lyca na kakapirma lang ng exclusive contract sa Viva Artists Agency.
“Parang yon na rin po yung… hindi ko rin po alam na mas okey po pala yung ganun. It’s better po na nakapag-aral po ako kasi mas ready po ako ngayon na magtrabaho and mag-showbiz. Ready na po ako sa ngayon kasi mas nauna ko na po yung pag-aaral ko.
“Di po kasi natin masasabi kung magtatagal tayo sa showbiz, eh, kaya inayos ko po muna yung pag-aaral ko. Wala naman po akong panghihinayang na ano… kasi ready naman po akong bumalik,” patuloy na pahayag ni Lyca.
Nilinaw din ni Lyca na hindi siya naiinggit or nai-insecure sa mabilis na pagbulok ng career nina Darren Espanto at JK Labajo na ka-batch niya sa The Voice Kids. Choice daw niya kasi na unahin talaga ang pag-aaral.
“Hindi naman po, wala naman po. Wala naman po kasi pina-ano rin naman po ako (ng ABS-CBN). Pinapili nila kung ano po yung gusto ko — kung mag-aaral daw po muna ako,” lahad ni Lyca.
Dagdag pa niya, “Sabi ko po, mag-aaral po muna ako kasi alam naman po natin na hindi pang matagalan career. So siyempre, pag-aaral po, napaka-importante, pero napaka-importante rin po sa akin ng career kasi yung career na po to yung bumubuhay sa pamilya ko.”
Sixteen years old na ngayon si Lyca at nasa 8th grade na siya. Ready na rin ba siya to fall in love?
Tugon ng dalagita, “Sa ngayon po hindi ko po alam. Kasi for me po talaga, hindi po natin masasabi kung magkakagusto tayo sa isang tao. Hindi natin masasabi kung mai-in love tayo sa ngayon.”
“Pero forme po, siguro hindi po muna, kasi hindi pa po ito yung the right time. Kasi may mga panahon po tayo diyan, eh. May panahon po tayo na kung kailan dapat. May mga panahon tayo diyan sa mga bagay-bagay na yan.
“Mas uunahin ko muna yung career at yung pag-aaral ko. Yon muna ang mas magiging priority ko kasi yung love life nandiyan lang naman yan,” katwiran ng bagong Viva artist.