HABANG BINABASA ninyo ang artikulong ito ay malamang nabiktima na kayo ng malupit na traffic dito sa Metro Manila. Usap-usapan na sa buong bansa ang matinding dagdag-traffic sa dati nang ma-traffic na lansangan sa buong Kalakhang Maynila. May 15 major road projects na sabay-sabay sisimulan ngayong buwan at kasama na rito ang Sky Project Stage 3. Ito ang magdudugtong sa Metro Manila Skyway System mula Alabang patungong Balintawak.
Ang MMDA ay nakikipag-ugnayan na rin sa Commission on Higher Education (CHED) at Department of Education (DepEd) kung papaano maiibsan ang dami ng mga taong gagamit ng kalsada. Ang sector ng mga mag-aaral ay isa sa nagpapabigat sa traffic dahil sa dami ng mga estudyanteng pumapasok araw-araw.
Iminungkahi ni MMDA Chairman Francis Tolentino na gamitin ng mga paaralan ang kanilang counter-part schools at extension campuses sa mga karatig na probinsya para mabawasan ang bilang ng mga mag-aaral dito sa Metro Manila. Binigyang-diin din niyang halimbawa ang paggamit sa Open University System. Ito ay isang sistema ng pagtuturo sa kolehiyo kung saan maaaring sa bahay lamang madalas ang klase gamit ang computer at internet.
Ang La Salle University ay maagap sa planong pagpapalawig ng maaaring maabot ng kanilang unibersidad para sa mga karatig probinsiya rito sa Luzon. Magdadalawang taon nang fully operated ang De La Salle University Science and Technology Complex kung saan ito ay matatagpuan sa Biñan, Laguna. Dito nila nilagak ang mga kursong gaya ng Engineering at Computer Science. Ang mga taga-CALABARZON o probinsya gaya ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon ay hindi na kailangan na pumunta sa Maynila para magkolehiyo.
Isang 4-Day Class a week system naman ang iminungkahi ni CHED Chairman Dr. Patria Licuanan para mabawasan ang paglabas ng mga mag-aaral sa high school at elementary. Matagal na raw itong pinag-aaralan ng kanilang ahensya. Ang tanong ay hindi ba ito makaaapekto sa ipinatutupad na K-12 program? Mas nagangailangan kasi ang programang ito ng mahabang oras sa pag-aaral.
ANG MALAKING epekto nito ay hindi lang sa pagsikip ng kalsada, pagkaantala sa eskuwelahan o trabaho, kundi sa kita ng mga Pilipino. Una na sa listahan ang mga driver ng pampublikong sasakyan. Sa simpleng lohika lang ay makikita na mababawasan ang kanilang kita dahil mababawasan ang kanilang ruta.
Kung dati ay nagagawa ng isang jeep, bus at taxi na makaanim na rutang balikan ay hindi na ngayon dahil sa magiging napakabagal na ng galaw ng mga sasakyan dahil sa traffic. Malamang ay tatlo hanggang apat na balikan lang ang magagawa nila. Lumalabas na maaaring mababawasan ng kalahati ang kita nila sa araw-araw. Kung nakapag-uuwi sila ng P500.00 kada araw ay liliit sa P250.00 na lang ang panggastos nila para sa pamilya!
Sa isang banda, kaya namang magsakrispisyo ni Juan dela Cruz. Lalo na at sa ikauunlad at ikagiginhawa ito ng mga Pilipino, lalo na ang mga maralita. Pero ang tanong ay para nga ba sa mga mahihirap ang Skyway Project 3?
Sa umiiral na sistema ngayon sa Skyway ay mayayaman lang ang nakagagamit nito. Mahal kasi ang bayad kung dadaan dito. Kung ganoon ay malamang na mahal din ang sisingilin sa mga dadaan sa Metro Manila Skyway mula Alabang hanggang Balintawak. Kaya ang mga karaniwang tao ay magtitiis ngayon sa traffic at liliit ang kita para sa kaginhawaan ng mga mayayaman lang!
Kung totoong para sa sambayanan ang mga daan na ito ay dapat walang bayad na sisingilin sa mga daraan dito. Unang-una ay pera ng taong bayan ang gagamitin dito at ang taong bayan din ang magsasakripisyo para sa project na ito hanggang matapos ang paggawa. Kung sisingilin ang mga mamamayan na dadaan dito ay parang ginisa lang nila ang mga Pilipino sa sarili nitong mantika!
ANG PROBLEMA sa daan ay umaabot sa problema natin sa pagkain partikular sa bigas. Hindi ba ipinangako ni Pangulong Aquino na hindi na tayo mag-aangkat ng bigas? Matatapos na ang termino niya ngunit malaking bilang pa rin ng NFA rice ay imported. Sa katunayan ay tinatayang aabot sa P190 billion ang magiging utang pa natin sa pag-aangkat ng bigas sa pagtatapos ng termino ng Pangulo.
Ang tanong ay bakit hindi tayo makabalik sa dating pagiging self-sufficient natin sa bigas? Noong panahon ni Pangulong Diosdado Macapagal hanggang sa unang termino ni Marcos ay nag-e-export pa ang Pilipinas sa bigas. Anong nangyari sa atin?
Ang IRRI o International Rice Research Institute ay nasa Los Baños, Laguna lang ngunit hindi tayo ang nakikinabang sa mga pag-aaral na ito kundi ang ibang bansa gaya ng Taiwan, Thailand, India at Vietnam. Sila ngayon ang nagdadala ng bigas sa ating bansa ngunit dati ay tayo lang ang pinagkukunan nila.
Mas lumala pa ang problema dahil pinasok na ng mga rice smugglers ang sistema ng pag-aangkat ng bigas at lumalabas pa na dahil sa mahinang patakaran at mga batas na ipinatutupad ay inaabuso ito ng mga mangangalakal.
Nasaaan na ngayon ang tuwid na daan? Nasaan na ngayon ang maliwanag na daan? Nasaan na ngayon ang maunlad na daan? Ang nakikita natin ay mabibigat na daloy ng traffic, sira-sira at baku-bakong daan. Korapsyon sa iba’t ibang sangay ng gobyerno, bulok na paliparan at lumalalang krimen gaya ng carnapping at pagpatay gamit ang riding in tandem.
Mr. President, ‘ika nga ni Piolo Pascual sa isang pelikula, “we deserve an acceptable reason!”
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan at napanonood sa 92.3 FM Radyo5 at sa Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO.
Shooting Range
Raffy Tulfo