PABOR SI SENADORA Miriam Defensor-Santiago, sa ginawang maagang pagreretiro ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Lt. Gen. Delfin Bangit.
“Siguro, tama na lang ‘yun. Kasi ganito ‘yun. The rule that the President as the Chief Executive has the power to hire and therefore the power to fire is only a general rule. There are many, many exceptions. For example, if there is security of tenure, the President cannot exercise the power to fire. He can only hire and fire people who are co-terminus with him, or people who the constitution describes are holding positions that are highly-technical or policy-making or highly-confidential,” paliwanag ni Santiago.
Ayon kay Santiago, sa kaso ni Bangit, na may fixed terms of office, walang posibilidad at walang legal possibility para sa Pangulo na sibakin ang sinuman sa tungkulin na may security of tenure, kung wala namang kaso sa ilalim ng Civil Service Law.
“So in this case, it would be proper for Gen. Bangit to offer his resignation if he already has, because that would be in effect an act of courtesy, not only of courtesy but also out of respect and also an act indicative that he does not wish to stay in office longer than the confidence enjoined in him by the chief executive,” dagdag ni Santiago.
Hindi umano maituturing na pag-abandona sa kanyang tungkulin ang gagawing early retirement ni Bangit.
Sinabi ni Bangit na iniiwasan lamang niyang makaladkad ang imahe ng AFP sa problemang kanyang kinasasangkutan.
Ito umano ang pinakadahilan kung bakit magreretiro siya nang maaga matapos ang mahigit 30 taong paninilbihan sa militar.
Matatandaang inihayag ni President-elect Benigno “Noynoy” Aquino lll na tatanggalin na niya bilang chief of staff si Bangit pag-upo nito sa Malacañang sa June 30.
Pero sa kabila nito, naniniwala naman ang opisyal na nagampanan niya ang kanyang tungkulin sa loob ng pagsisilbi nito.
Tiniyak din ng tagapagsalita ng AFP na hindi maapektuhan ang buong organisasyon sa desisyon ng maagang pagretiro ni Bangit.
Sinabi ni public information chief Lt. Col. Arnulfo Burgos Jr., mayroon umanong itatalagang acting chief of staff sakaling opisyal nang lisanin ni Bangit ang puwesto.
Kahapon nga nagsimulang magpaalam ang kontrobersiyal na chief of staff sa mga kawal, kung saan una nitong dinalaw ang 2nd Infantry Division, kung saan siya nagsilbing company, battalion at division commander.
Sa ngayon ay wala pa umanong kumpirmadong petsa kung kailan magiging epektibo ang early retirement ni Bangit, bagama’t una nang lumutang na posibleng mangyayari ito bago ang inagurasyon ni President-elect Aquino sa June 30.
Kaya naman posibleng ang haharap kay Noynoy bilang kinatawan ng AFP ay acting chief of staff.
“Walang problema dahil kung magaganap ang early retirement before June 30, mayroon tayong vice-chief of staff na magsisilbing acting chief of staff,” ani Burgos.
Si Bangit ay mayroon pa sanang hanggang July 2011 bago ang kanyang mandatory retirement sa edad na 56. (Cynthia Virtudazo)
Pinoy Parazzi News Service