Maanghang

MAANGHANG NA salita ang binitawan kamakailan ng Pinay international pop icon Charice Pempengco. Sa kanyang twitter, pinuna niya ang paghanga – at pag-angkin – ng bansa kay Jessica Sanchez, 2nd runner-up ng American Idol. ‘Di dapat daw sapagkat si Jessica ay walang dugong Pinoy. Siya ay Mexicana.

Daglian ang nagtanggol kay Jessica. At habang sinusulat ang pitak na ito, mainit pa ang palitan ng maaanghang na salita sa social media.

Bago ito, nagpalitan din ng maaanghang na salita sina Sen. Juan Ponce Enrile at Antonio Trillanes IV sa Scarborough at Panatag issues. Si Trillanes diumano ang naatasang mag-back channel sa China na ikinagulat ng hepe ng Senado. Ano ang pinagkasundo niya sa 18 beses na pakikipag-usap niya? Ano ang karanasan niya sa diplomacy? Mga maaanghang na tanong ni Enrile.

Sa showbiz at pulitika, ganito ang nangyayari. Tunggali ng galit at poot. Anghang laban sa anghang.

Sa buong mundo, ganito rin ang kaganapan. Ang maanghang na balitaktakan ni Obama at Romney ay araw-araw nating nasaksihan sa TV at social media. Batuhan ng putik habang papalapit nang papalapit ang November presidential election. ‘Di para monopolya ng Pinoy ang araw-araw na bangayan.

Ngunit sa Syria, ‘di maaanghang na salita ang sandata ng bangayan. Kanyon, baril at bomba ang katumbas ng ating maaanghang na salita. Araw-araw, dami ang namamatay. Walang makitang liwanag sa krisis.

Kamakailan, dahil sa isang pelikula laban sa Muslim religion, nagwala ang Muslim community sa buong mundo. Sa Libya, sinunog ang U.S. embassy na ikinamatay ng U.S. ambassador at dalawa pa. Ang protesta ay nakarating sa ating bansa. Buti na lang pinagbawalan ng Korte Suprema ang pagpapalabas ng kontrobersiyal na pelikula.

Napakagulo, napakaingay – talagang nakakaimbiyerna – ang buhay sa mundo. Buti pa, tumira sa tuktok ng isang bundok kung saan malalanghap mo ang alapaap at kakaibang hangin para sa puso at kaluluwa.

SAMUT-SAMOT

 

‘DI IILANG artista ang sasabak sa pulitika sa susunod na taon. Si Richard Gomez ay tatakbong alkalde sa Ormoc City, samantalang ang kanyang magandang may-bahay, Cong. Lucy, ay magre-re-election. Sa panunumpa niya sa LP kamakailan, sinabi ni P-Noy na sana’y makahanap din siya ng kanyang “Lucy” kagaya ni Richard. Magaling mag-adlibs si P-Noy. Ang kanyang mga one-liners ay kagat ang sound bytes sa media. Samantala, sa 6th district ng Cebu, sasabak naman ang kontro-bersyal na Annabelle Rama sa ilalim ng UNA. Ayon sa surveys, malaki ang tiyansa ni Annabelle. Ga-ling siya sa kilalang pulitikong angkan. Biro ng iba, ‘pag nanalo si Annabelle, tatagurian siyang “Loud Speaker of the House”.

KUNG KAPANI-PANIWALA ang mga surveys, sa susunod na taon magkakaroon ang Senado ng

dalawang magkapatid (J.V. Ejercito at Jinggoy Estrada; Allan Peter Cayetano at Pia Cayetano); isang mag-ama (Juan Ponce Enrile at Jackie Enrile).  Every session is a family affair. Happy watching!

POLICE VISIBILITY ay deterrent sa krimen. Ito ang diin ni NCRPO Supt. Leonardo Espina habang pinag-ibayo niya ang krusada laban sa kriminalidad. Magaling at kabi-kabila ang pagpapatalsik niya sa misfits at scalawags. Ngunit kailangan ang kooperasyon ng komunidad. ‘Di kayang mag-isa ng kapulisan. Kaugnay nito, napabalita na maaaring i-appoint ni P-Noy si Sen. Ping Lacson bilang anti-crime czar pagkatapos ng termino ng huli. Panig ako rito. Eksperto si Ping sa larangang ito bilang dating chief ng PACC nu’ng bise-presidente si Erap. Anim na taon kaming magkasama sa PACC at saksi ako sa kanyang kagalingan at dedikasyon.

SA EDAD na 74, veteran GMA broadcaster Jun “Bote” Bautista ay pumanaw kamakailan. Biktima ng emphysema. Simula nu’ng Enero, halos buwan-buwan ay may nagpapaalam na kapatid natin sa industriya. Si Jun ay tinaguriang “icon ng Senate Press”. Ang Senate ang naging beat niya sa loob ng apat na dekada. Masipag at mapanuring mamamahayag, si Jun ay matalik na kaibigan ng lahat lalung-lalo na ang sikat na GMA broadcaster at anchor Arnold Clavio. Silang dalawa ang sparring partners sa loob ng dalawang dekada sa Senate. Si Clavio ay beat reporter ng DZBB, GMA radio station.  Mapagmahal na ama sa pamilya, matulungin at mapagmahal sa kanyang propesyon, si Jun ay malaking kawalan sa TV broadcasting industry. Nakikiramay kami sa mga naiwan.

SA BUROL ni Jun sa Magallanes Chapel, matagal kong nakausap si dating senador at ambassador Ernesto “Manong” Maceda. Still physically fit and mentally agile, si Manong ay kasalukuyang hard-hitting columnist sa Philippine Star. Mahigit na 4 na dekada siyang naglingkod sa pamahalaan sa iba’t ibang kapasidad. Napag-alaman ko, siya’y napili ng UNA sa senatorial slate. Tatlong termino siyang senador. Kailangan ng Senado ang isang matalino at subok na lingkod-bayan. Kaya ngayon pa lang, ini-endorso ko ang kanyang kandidatura.

NAKASALAMUHA KO rin si dating senador Orly Mercado. Malusog at matikas pa. Abala siya sa kanyang may-bahay, Dr. Susie, sa maraming kawang-gawang proyekto na pinangungunahan ng “Kapwa Ko, Mahal Ko”. Si Orly ay dating batikang radio-TV broadcaster bago sumabak sa pulitika.

PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez

Previous articleAng Pobreng Presos
Next articlebukambibig

No posts to display