ISANG TEXT message ang natanggap ng inyong lingkod mula sa isang preso. Pero hindi siya pangkaraniwang preso na nakulong dahil gumawa ng kasalanan, bagkus isa siya sa mga binabansagan ng ating bansa bilang makabagong bayani – isa siyang OFW.
Siya ay si Emmanuel Cruz, 56 years old, ng Pilar, Bataan at kasalukuyang nakapiit sa Malaz Prison sa Riyadh, Saudi Arabia. Ayon sa kanyang text, isang taon na siyang nakakulong sa nasabing piitan.
Dati siyang trailer driver ng Khalifa Algosaibi Cold Store sa Riyadh. At 26 years din siyang nakapagtrabaho sa nasabing kumpanya nang walang problema hanggang sa nang minsang mag-deliver siya sa isang kliyente kasama ang kanilang salesman na isang Egytian national.
Pagkatapos ng delivery, tumakas ang nasabing salesman tangay ang benta sa delivery. Dahil wala nang ibang mapagbuntungan ang kanyang kumpanya, siya ang napagdiskitahan at agad na ipinakulong.
SIMULA NANG makulong si Emmanuel, ni minsan hindi siya nakatikim ng dalaw mula sa mga kawani ng ating embahada doon maliban na lang sa mga tawag sa telepono kung saan inutusan pa siyang tawagan ang kanyang misis na si Maria Fe dito sa Pilipinas para humingi ng tulong sa OWWA. Ang madalas na makausap ni Emmanuel sa ating embahada ay isang nagngangalang Dennis Punzalan.
Tumawag si Maria Fe sa OWWA pero sinabihan siyang dapat ang embahada sa Riyadh ang kanyang kinakausap. Ilang beses tinawagan at nakausap ni Maria Fe si Punzalan ngunit sadyang walang balak na tumulong si Punzalan dahil pinaikut-ikot lang siya.
Dito na nakapag-isip si Maria Fe na ihiling sa kanyang mister na i-text ang inyong lingkod at magbakasakali.
Matapos kong mabasa ang text ni Emmanuel, agad akong nag-overseas call kay Punzalan. Pagkatapos kong magpakilala sa taong ito, ‘sing bilis ng kidlat na ipinasa niya ang telepono sa kanyang boss na nagngangalang Consul Reyes.
NANG TANUNGIN ko kay Reyes ang kaso ni Emmanuel, tila wala itong kamuwang-muwang sa mundo at hindi makapagsalita nang diretso kundi pa diniktahan ni Punzalan. Tinanong ko si Reyes kung bakit isang taon na at wala pa ring legal representation si Emmanuel.
‘Di inaasahan ni Reyes ang katanungang iyon kaya ang unang lumabas sa kanyang bibig ay isang nakakatawang sagot – nasa korte suprema na raw ng Riyadh ang kaso ni Emmanuel at may proseso raw sa pagbibigay ng abogado sa mga tulad sa kalagayan ni Emmanuel.
Nang medyo tumagal na ang usapan at naging kampante na si Reyes, nakapag-isip din siya ng magandang palusot. Ayon sa kanya, kaya raw walang abogado si Emmanuel dahil ubos na raw ang budget ng OWWA sapagkat nagamit daw sa repatriation ng mga OFW natin mula Syria.
Agad kong tinawagan si Asec. Raul Hernandez ng Department of Foreign Affairs. Maging si Hernandez ay nahilo sa mga sinabi ni Reyes nang ilahad ko ito sa kanya. Nangako si Hernandez na paiimbestigahan niya ang kaso ni Emmanuel at sisiguraduhin niyang tututukan ng ating gobyerno ang sitwasyon ni Emmanuel.
Ang inyong lingkod ay tututok din sa kasong ito at hindi titigil hangga’t hindi nabibigyan ng ating pamahalaan ng nararapat na atensyon ang kalagayan ni Emmanuel.
ANG INYONG lingkod ay napakikinggan sa 92.3FM, Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00 – 4:00 pm sa programang WANTED SA RADYO. Ito ay kasabay na napapanood din sa AksyonTV channel 41. Para sa inyong mga sumbong mag-text sa 0917-7WANTED.
Ang inyong lingkod ay napapanood din sa programang T3 Reload, sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 5:30 – 6:00 pm.
Shooting Range
Raffy Tulfo