HINIRANG ANG NAIA Terminal 1 kamakailan bilang fifth most hated airport sa buong mundo sa isang CNN report. Bagama’t masakit pakinggan – bilang isang Pinoy – pero may katotohanan ang nasabing report.
Ako mismo ay makakapagpatunay na ang NAIA Terminal 1 ay isang kasuklam-suklam na paliparan kung ikukumpara sa mga paliparan sa ibang bansa. Noong Disyembre ng nakaraang taon, kasama ang aking buong pamilya, lumabas kami ng bansa patungong Singapore sa pamamagitan ng NAIA Terminal 1.
Pagkatapos naming mag check-in, tinungo ko ang banyo, at unang bumungad sa akin ang mabaho at mapanghing
amoy nito. Nang pumasok ako sa isa sa mga cubicle, kapansin-pansin na wala itong toilet paper. Pero mayroong tabo na nakalagay sa isang tabi at sa aking pakiwari ‘yun ang inilaan na kapalit sa toilet paper na pupunuin mo ng tubig para panglinis mo.
Ang siste, pagkatapos mong maglinis, wala namang sabon doon na iyong magagamit kapag kailangan mo nang maghugas ng kamay. Kapansin-pansin din na hindi gumagana ang gripo ng isa sa mga lababo. Kaya tiniis ko na lang noon na hindi gamitin ang bulok na kasilyas na iyon – nag-antay na lang ako hanggang sa makasakay ng eroplano para magamit ang lavatory nito.
Ang tanong, saan napupunta ang bayad para sa terminal fee mula sa libu-libong pasahero na gumagamit nito araw-araw gayung kahit banyo man lang ay hindi mailagay sa ayos?
NAGING BUKANG-BIBIG NA sa ating lahat ang mga salitang “daang matuwid”. Ito ay matapos gamitin ni Pangulong Noynoy sa kanyang inaugural speech ang mga salitang ito upang bigyang kahulugan ang magiging malinis na pamamalakad ng kanyang administrasyon at kampanya kontra korapsiyon.
Pero pagkaraan ng mahigit sa isang taon ng kanyang pagkakaluklok sa puwesto, marami pa rin sa kanyang mga tauhan ang gumagawa ng baluktot na daan – at literal ito.
Kapag kayo ay bumiyahe – by land – patungong Region2 at Region1, tatahak kayo ng mga baku-bako na kalsada. Magmula sa Nueva Vizcaya hanggang Apari, Cagayan maraming mga kalsada ang matapos hukayin para i-repair ay pinabayaang nakatiwangwang.
At kung gabi kayo bibiyahe, puwede kayong malasin na madisgrasya. Marami kasi sa mga kalsadang ito, pagkatapos hukayin ay hindi man lang nilagyan ng mga signage bilang early warning sa mga motorista na biglang mapuputol at baku-bako ang kalsada na bubungad sa kanilang unahan.
Dahil sa mga road construction na ito na matagal nang nakatiwangwang, nagkakabuhul-buhol ang daloy ng trapiko sapagkat nagiging one lane ang mga daan habang ang second opposite lane ay nire-repair. Ang matindi, ang nagmamando sa trapik ng mga sasakyan sa mga lugar na ito ay mga batang kalye na may hawak-hawak na tabo at humihingi ng “donation” sa mga motorista para sa kanilang pagsisilbi bilang mga volunteer traffic enforcer.
KUNG KAYO AY may mga sumbong na nais ninyong iparating sa inyong lingkod itawag sa ITIMBRE MO KAY TULFO (IMKT) sa 0908-87-TULFO. Ang IMKT ay isang segment ng Balitaang Tapat na mapapanood sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30-12:15 p.m. Maaari ring kayong tumawag sa WANTED SA RADYO (WSR) sa 0917-87-WANTED. Ang WSR ay mapapakinggan sa 92.3FM, Radyo5, Lunes hanggang Biyernes 2-4 pm. Ito ay mapapanood simulcast sa AKSYON TV, Channel 41. Maaari ring kayong tumawag sa T3 sa 0918-983-T3T3. Ang T3 ay mapapanood Lunes hanggang Biyernes, 5:30-6:00 p.m. sa TV5.
Shooting Range
Raffy Tulfo