NARITO ANG ilan lamang sa mga sumbong na ipinadala sa pamamagitan ng aming texthotlines na 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Ilalapit ko lang po ang problema sa barangay namin dahil sa masasangsang na amoy at malangaw na poultry. Dito po sa may Brgy. Palapar Norte, Malasiqui, Pangasinan. Kawawa naman ang mga bata at matatanda sa lugar namin. Sana po ay magawan ng solusyon ang aming problema.
Kami pong mga taga-Purok 3 ng Brgy. San Roque ay nais pong mapahinto ang isang babuyan dito dahil sa kanilang pagiging iresponsable sa kalinisan. Nakakasulasok na baho ng ihi at dumi ng baboy ang araw-araw na dinaranas ng mga kapit-bahay ng may-ari ng babuyan. Sana po ay matulungan ninyo kami. Salamat po.
Irereklamo ko lang po iyong pagkuha ko ng police clearance sa Rosario, Cavite. Dalawang beses kasi akong hiningian ng bayad. Una ay P65.00 na may resibo na nakalagay na police clearance at stamp. Pagkatapos noong nagpi-print na ay hiningian ako ng P85.00. Noong humihingi na ako ng resibo ay nagagalit po sila.
Nais ko pong ilapit sa inyo na rito sa San Fernando, Pampanga ay ayaw pirmahan ang clerance ng anak ko kaya hindi makapag-enrol dahil may balance pa akong P350.00 doon sa P600.00 na sinisingil nila.
Dito po sa amin sa Manila ang mga pulis dito ay mga buwaya. Kunwari magtse-check point sila sa kanto ng Delpan lagpas ng Puregold pero wala naman silang permit. Ang ginagawa lang nila ay kukuha ng pera sa mga mahuli nilang mga motor.
Isusumbong ko lang po ang talamak na kotongan sa may Katipunan pagbaba ng fly-over south bound. Naging biktima po kami ng mga pulis na nakaposte rito. Asbu raw sila, pero wala naman silang pang-test.
Isa po akong concerned citizen, gusto ko lang matawag ang pansin ng kinauukulan dahil talamak po ang mga mandurukot na nagbubukas ng bag ng mga dumaraan dito sa Andrews Avenue, Brgy. 185 Maricaban, Pasay City. Marami na po ang mga nabibiktima. Sana po ay matigil na ang mga gawain ng mga tambay na mga siga sa lugar na ito.
Ire-repot ko lang po sana iyong mga nakaparadang tricycle at kariton sa Cambridge Street dahil nagiging sanhi po ng trapiko sa mga papuntang Cubao. Sana po ay maaksyunan.
Nais ko pong idulog sa inyo ang problema namin sa mga bayarin sa school dito sa San Mariano, Isabela.Hindi namin makukuha ang card ng aming mga anak kung hindi pa kami bayad ng PTCA, fund drive, at pati ng pinagawa nila na plant box. Plant box pa lang ay P200.00 na po ang sinisingil sa bawat isang estudyante. Sobrang bigat na po iyon para sa amin na mga magulang. Sana po ay matulungan ninyo kami. Salamat po.
Makinig at manood ng Wanted Sa Radyo 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Luneshanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM.
Ang inyong lingkod ay mapanonood din sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Mapanonood din ang inyong lingkod sa T3: Alliance sa TV5 tuwing Linggo, 1:30 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833.
Shooting Range
Raffy Tulfo