NARITO ANG ilan lamang sa mga sumbong na ipinadala sa pamamagitan ng aming text hotlines na 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
- Isa po akong concerned citizen dito sa Valladolid, Negros Occidental. Nais ko lang po na mabigyan ng pansin ang matagal na problema namin sa isang manukan sa Brgy. Alijis dahil sobrang baho. Malapit lang po kasi sa mga bahay ang manukan. Kawawa ang mga bata na nagkakasakit dahil sa baho at sa langaw. Matagal na pong naipetisyon ito at ang sabi ay ipasasarado na ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring nangyayari.
- Isang concerned citizen po ako rito sa Brgy. Manggahan, Pasig City, irereklamo ko lang na karamihan sa mga barangay tanod dito ay may baril na bitbit sa gabi. Hindi ko po alam kung may nalalaman dito ang kapitan ng barangay. Noong nakaraan lang nga po ay may tinutukan sila ng baril.
- Maaari po bang pakitawag ang pansin ng mga kinauukulan dito sa Brgy. West Fairview na kung puwede nilang pasyalan ang lugar namin dito sa Sitio Urlina dahil grabe ang pagsusunog nila ng basura. Sobrang mausok po at baka pagsimulan pa ito ng sunog. Sana po ay matulungan ninyo kami.
- Hihingi lang po kami ng tulong tungkol sa maghapon at magdamag na pagbi-videoke dito sa Toclong, Kawit, Cavite. Wala naman pong ginagawa ang barangay para sawayin ang mga nag-iingay na ito. Kawawa po ang mga bat at matanda pati na rin ang mga may trabaho na hindi makatulog lalo na sa gabi.
- Isusumbong ko lang ang mga truck ng manok dito sa Brgy. Longos, Malabon dahil dito po nila nililinis ang kanilang truck sa gilid ng isang creek. Lahat ng ipot at balahibo ng manok na nililinis nila ay sa creek nila tinatapon.
- Irereklamo ko lang po ang sobrang talamak at masyadong malaki ang pinababayaran nila sa mga mag-aaral ng Jacinto P. Elpa High School sa Tandag, Surigao del Sur. Umaabot ng P1,070.00 ang bayarin para sa level project, PTA, miscellaneous, JS Prom, atpb.
- Reklamo lang po namin ang isang teacher ng dito sa Maypajo High School sa Caloocan City dahil sa pambu-bully niya sa isang estudyante na isang Grade 4. Sumugod din siya sa bahay ng disoras ng gabi. Nagsumbong na po kami sa DepEd pero hanggang ngayon ay wala pa ring aksyon na ibinibigay.
Makinig at manood ng Wanted Sa Radyo 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM.
Ang inyong lingkod ay mapanonood din sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Mapanonood din ang inyong lingkod sa T3: Alliance sa TV5 tuwing Linggo, 1:30 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833.
Shooting Range
Raffy Tulfo