NOONG NAKARAANG taon, sa kasagsagan ng exposé sa pork barrel scam, pumutok ang pangalan ng isang “Ma’am Arlene”. Ang Arlene na ito ay inihahalintulad kay Janet Lim-Napoles pagdating naman sa Hudikatura.
Ayon sa mga pumutok na balita noon, si Arlene daw ay isang big-time fixer para sa mga justice ng Court of Appeals (CA). Kadalasan, siya raw umano ang naghahanda para sa birthday party ng ilang justices dito.
Nagreregalo rin daw ito umano ng mga mamahaling bag tulad ng Louis Vitton at Hermes na may kasama pang family vacation trip para sa mga pamilya nila. At siyempre, alam naman nating lahat na hindi puwedeng ganu’n-ganu’n na lamang at walang ibibigay na kapalit ang mga nabibiyayaang justices na pabor para kay Arlene.
Nang uminit ang pangalan ni Arlene, bigla na lang napabalitang umeskapo ito ng bansa patungong Singapore na kinumpirma naman ng Bureau of Immigration.
PAULIT-ULIT NA sinasabi ng mga abogado ni Delfin Lee, ang presidente ng Globe Asiatique, na ang kanilang kliyente ay pinawalang-sala na ng CA. Bukod dito, ibinasura na rin daw ng CA ang warrant of arrest para kay Lee.
Ang P6.6 billion question ngayon ay, bakit? Isa ang programa kong Wanted Sa Radyo na dinagsa noon ng maraming miyembro ng Pag-IBIG para ireklamo ang Globe Asiatique – karamihan sa kanila ay mga OFW na halos mahimatay sa kaiiyak habang nagsusumbong.
Kung sa tingin ng CA na walang pananagutan si Lee bilang may-ari at presidente ng Globe Asiatique sa mga ginawang panloloko ng kanyang kumpanya sa napakaraming aplikante ng Pag-IBIG housing loan, sino pala dapat ang managot?
At saan napunta ang P6.6 billion na ayon sa Pag-IBIG ay ang halagang nakulimbat umano ng Globe Asiatique sa kanila? Bakit nagtago si Lee ng mahigit dalawang taon sa halip na harapin ang kaso sa korte kung talagang inosente siya?
MARAMI NA tayong mga nabasang report sa media tungkol sa mga may multi-national company na may kasong tax evasion – tulad ng mga kumpanya ng langis – na inabsuwelto pagdating sa CA.
Marami-rami na rin akong nabalitaang mga bigtime na kawani ng Bureau of Customs at Bureau of Internal Revenue na inabsuwelto ang kanilang mga graft and corruption case pagdating sa CA. Ang iba pa nga sa kanila ay na-promote pa at nabigyan ng juicy position matapos absuweltuhin ng CA.
Pero wala pa akong nabalitaang isang pobreng mamamayan na inabsuwelto ng CA matapos umapela sa kanila para sa ano pa mang kasong isinampa laban sa kanya.
Siyempre, ang pobreng ito ay walang kakayanang tumulay kay “Ma’am Arlene” dahil wala naman siyang perang panggastos para sa mga family roundtrip ticket papuntang Hong Kong o Boracay na may kasama pang pocket money – na ipinamumudmod naman ni Arlene sa mga taga-Hudikatura.
NOONG TAONG 2007, iminungkahi ang pag-abolish sa Court of Appeals sa Cebu dahil sa mga report na talamak na korapsyon dito. Pero hanggang ngayon, may mga balita pa ring nakararating dito sa Maynila na may ilang CA justices doon ang nasasangkot pa rin umano ang pangalan sa mga katiwalian.
Hindi naman siguro kailangan i-abolish ang CA sa Cebu. Ang kailangan lang gawin ay i-lifestyle check ang lahat ng justices doon. Lalung-lalo na ang lahat ng justices ng CA dito sa Maynila na kung saan maraming mga taong nag-aapela ng kaso sa kanila ay ubod ng yaman at sukdulan ang dami ng perang pang-tapal.
Tao lang ang ilan sa kanila at puwedeng madala sa kinang ng salapi o sa lambing ng mga tulad ni “Ma’am Arlene”.
Kapag nagkaroon ng lifestyle check para sa lahat ng justices, nakatitiyak tayong may ilan sa kanila ang lalagpak at mabubuking.
Sa palagay n’yo ba, kung si Delfin Lee ay isang tindero sa isang sari-sari store at sinampahan ng kanyang amo ng kaso dahil sa umano’y talamak na pagkupit niya sa mga benta ng tindahan, iaabsuwelto kaya siya ng CA? Magunaw na ang mundo kung mapapansin ang kanyang kaso.
BAKIT KAPAG bilyun-bilyong halaga ng pera ang inaakusang kinulimbat ng isang tao rito sa atin, pinagsusuot agad siya ng bulletproof vest, binibigyan ng maraming bodyguard at nilalagay sa magandang tirahan? Kundi man sa ospital, siya ay inilalagay sa kampo ng CIDG o militar, o dili kaya sa opisina ng NBI.
Pero bakit kapag ang isang mahirap na mamamayan na inakusahang nagnakaw halimbawa ng manok ay pinagsusuot agad ng unipormeng pampreso habang nakaposas at pinaliligiran ng mga pulis – na handa siyang i-salvage sakali mang tumakas – at ikinukulong sa city jail?
Ang sagot na ibinibigay ng mga dekampanilyang abogado ng suspek sa una, at sinasang-ayunan naman ng mga kinauukulan, ay sapagkat baka raw patayin ang kanyang kliyente ng mga taong ninakawan niya ng pera kaya dapat lang na mabigyan siya ng proteksyon.
Eh, paano naman kung ito rin ang gagamiting depensa ng Public Attorney’s Office –abogado sa pangalawang suspek – na kailangan ding mabigyan ng proteksyon ang kanyang kliyente, baka kasi patayin siya ng pinagnakawan niya ng manok?
BAKIT KAPAG ang isang mayamang suspek na nakakulong at nagkasakit, pinapayagan itong dalhin sa mga sikat na ospital para magpagamot hanggang sa siya ay gumaling? Gumagastos din ang gobyerno para sa mga pulis na magbabantay sa kanya habang nasa ospital.
Pero bakit kapag ang isang hampaslupang suspek ay dumaing ng karamdaman, kahit sa sa East Avenue, o infirmary man lang ng kulungan, hindi siya dinadala at pinababayaan na lang na mahawaan niya ang kanyang mga kasamahan hanggang sa sila ay magsimatay?
Madalas natin marinig ang mga balita tungkol sa mga presong namatay dahil sila-sila’y nagkahawaan ng tigdas sa loob ng kulungan. Samantalang ang mga suspek na mayayaman, konting daing lang ng altapresyon o mataas na blood sugar ay agad na tinatakbo sa primyadong ospital.
Ang inyong lingkod ay napakikinggan at napanonood sa Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Mapapanood din ang inyong lingkod sa programang T3 Reload sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 5:30-6:00 pm. At tuwing Sabado, 5:30 – 6:00 sa Aksyon Weekend news.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo