NOONG 1998, may isang grupo ng mga mag-aaral mula sa U.P. Diliman ang nagpuntang Los Baños, Laguna para mag-excursion. Dahil gabi ang kanilang biyahe at malakas ang pagpapatugtog ng kanilang sinasakyang coaster ay hindi napansin ng driver na isang tren ang paparating sa riles na kanilang daraanan sa may parteng Pansol, Calamba. Dahi dito ay tinumbok ng rumaragasang tren ang coaster kung saan dalawang estudyante ang namatay, dalawa ang comatose at mahigit sampu ang lubhang nasugatan.
Isa lang ito sa malalagim na aksidenteng naganap dahil sa mga kapabayaan ng Philippine National Railways (PNR) at mga lokal na pamahalaan. Nitong nakaraang Lunes lamang, May 19, 2014 ay isang jeep na naman ang nasagasaan ng tren sa Manila. Isa ang patay, dalawa ang kritikal at agaw buhay sa ospital at maraming pasahero ang sugatan. Kailan ba magiging ligtas ang tren ng PNR para sa ating mga mamamayan? Ano na ba ang ginagawang aksyon ng PNR at ng ating pamahalaan para matigil na ang mga sakunang dulot ng tren ng PNR?
SA TUWING mapadadaan kayo sa may parteng Pansol-Calamba, Laguna ay tiyak na mapapansin ninyong walang mga warning signs at boom ang mga riles ng tren dito. Katunayan ay ang mga kondoktor ng pampasaherong bus na regular na dumadaan dito ay bumababa pa ng bus para silipin kung may paparating na tren. Maraming mga lugar pa na dinaraanan ng mga tren ng PNR ang nasa ganitong sitwasyon. Tila isang mabangis na hayop na gawa sa bakal ang laging nagbabantang umatake at pumatay.
Bakit kaya magpahanggang ngayon ay nanatiling nasa ganitong kondisyon ang mga riles ng tren, partikular sa Calamba, Laguna? Sa tuwing may mga aksidente ay puro imbestigasyon lamang ang nangyayari hanggang matabunan na ang kuwentong ito ng isang bagong isyu sa ating lipunan. Ang pagtitiyak ng kaligtasan ng mga tao ay bahagi ng pagsasaayos ng mga istrakturang tatayo bilang proteksyon nating lahat.
Hindi dapat nagpapatuloy ang opersyon ng tren ng PNR kung may mga lugar na dinaraanan ito na wala man lang mga early warning devices, boom at tagabantay sa riles. Ayon sa isang pag-aaral ay may lima hanggang sampung aksidente kada-taon ang nagaganap sangkot ang tren ng PNR. Sa kabila nito ay tila walang aksyong ginagawa ang PNR at maging ang ating pamahalaan para ayusin ang mga crossing ng riles na ito.
ANG AKSIDENTE nitong nakaraang Lunes ay nagpapatunay lamang na malaki ang problema natin sa mga transportasyong panlansangan. Ayon sa mga doktor, lasing ang driver ng jeep na nagpumulit umanong unahan ang tren na paparating kahit pababa na ang boom sa riles nito.
Ang human error ay laging isang malaking salik o factor sa mga aksidenteng ito. Lantad ang pagiging walang disiplina ng maraming driver ng mga pampublikong sasakyan na sangkot sa mga aksidenteng ganito. Kadalasan ay kung hindi man lasing ay lango ito sa pinababawal na gamot. Sa isang salita ay walang propesyonalismo ang ilan sa ating public vehicle drivers.
Matagal ko nang binabanggit sa aking mga artikulo na dapat ay baguhin at higpitan ang pagbibigay ng lisensya sa mga nag-aaply nito. Maraming mga pasaway, barumbado at walang pakialam na driver ang may lisensya na magmaneho sa kabila ng kakulangan ng disiplina sa sarili at balanseng pag-iisip. Dahil ito sa napakadaling proseso ng pagkuha ng lisensya sa LTO.
SA IBANG bansa ay napakahigpit nilang magbigay ng lisensya sa pagmamaneho, lalo na sa mga public utility vehicle drivers. Ang sasakyan ay halos katumbas ng isang mabangis na hayop na gawa sa bakal. Tiyak na makapapatay ito ng tao kung mapapasakamay ng isang iresponsableng driver. Kung hindi mamamatay ang mga pasahero nito dahil sa aksidente ay tiyak na papatay ito ng mga taong walang malay na nasa lansangan lamang.
Ang pagiging driver ay dapat ituring na isang propesyonal na trabaho. Kaya nga ang mga nagmamaneho ng pampublikong sasakyan ay may hawak na “professional driver’s license” ay dahil itinuturing silang professionals. Kung pagmamasdan ninyo ang karamihan sa ating mga driver ng pampasaherong jeep, kadalasan sila ay naka-shorts, tsinelas, marusing na T-shirt at tila hindi handa sa pagiging isang propesyonal na nagmamaneho.
Hindi dapat nabibigyan ng professional driver’s license ang katulad nila hangga’t hindi naihahanda ng ahensiya ng pamahalaan para sa ganitong uri ng trabaho. Talagang malaki ang pagkukulang ng LTO sa pagtitiyak na ang lahat ng nabibigyan nila ng professional license ay karapat-dapat na magkaroon nito.
HINDI MABABANTAYAN ng mga tao ng LTO ang bawat galaw ng isang public utility driver. Hindi rin nila mapipigilan kung ito man ay maglalasing bago magmaneho o gagamit ng droga. Ngunit may kakayahan silang tiyakin na ang mga driver na bibigyan nila ng professional license ay kuwalipikado at may wastong pinag-aralan para makasunod sa batas.
Napapanahon na para maging mahigpit ang LTO sa aspetong ito. Maraming buhay ng tao ang nasasayang dahil sa mga iresponsable at walang kakayahang maging public utility drivers. Ito ang ugat ng problema sa maraming aksidente sa kalsada. Ang human factor ay laging nariyan hangga’t hindi natin itinataas ang kuwalipikasyon at antas ng kagalingan at katalinuhan ng ating mga driver sa lansangan.
Ang inyong lingkod ay napakikinggan at napanonood sa programang Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5 at AksyonTV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO.
Shooting Range
Raffy Tulfo