AKO PO ay nag-enrol sa isang caregiving school. Doon ay may nakaklase ako na nakarating sa ibang bansa dahil lamang sa internet. Dahil sa sipag niya sa pagko-computer ay nakakilala siya ng employer at matapos ang ilang beses na pakikipag-chat ay na-hire daw siya nang direkta nang walang babayarang placement fee. Dahil tuwiran silang nagkasundo, hindi na dumaan sa POEA ang papeles niya. Sa kasalukuyan, ako ay may kausap na employer sa pamamagitan ng internet din. Ipinadala ko na sa kanya ang aking bio-data pati na ang ilang rekord sa school. May ipinakilala siyang ahente rito sa Pilipinas na mag-aayos daw ng aking visa. Ligtas po ba na patulan ko ang ganitong offer mula sa employer? — Gemma ng Puerto Galera
BAGAMA’T MABILIS at matipid ang direct hire, sa kasalukuyan ay pinag-iingat ang publiko rito na kung saan hindi dumaraan sa POEA ang mga papeles. Sa ngayo’y nagagamit ang internet ng mga illegal recruiter at human trafficker.
Walang problema sa direct hire kung ang lahat ng papeles, lalo na ang kontrata, ay dumaan at inaprubahan ng POEA o pamahalaang Pilipino. Ito ay para matiyak na ang aplikante ay hindi lugi o agrabyado sa terms of employment.
Delikado rin ang basta-basta ka na lang magpapadala ng papeles sa mga dayuhan. Hindi mo alam kung gagamitin ito sa legal o iligal na paraan. Kabahan ka rin kapag sa simula pa lamang ay may sinisingil nang bayarin ang “employer” mo o ahente nila rito.
LIBRENG PAYO! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: [email protected].
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo