Madali raw kasing mapikon Coco Martin, ayaw gumawa ng Twitter at FB account


ANG DAMING
nang-eengganyo, pero hindi makumbinsi si Coco Martin na magkaroon ng twitter account o kahit ng facebook account.

“Ayoko talaga, eh. Kasi, sensitive ako, eh. Baka kasi makabasa ako ng mga pang-aasar, pang-ookray, mapikon ako.  Ayokong magalit hangga’t maaari. Kaya mas gusto ko lang na magtrabaho nang wala akong iniintinding account.”

Pareho sila halos ng rason ni John Lloyd Cruz. Wala rin itong facebook at twitter account, kaya kung me mga naglalabasang account daw nila, ‘wag kayong maniniwala.

Hindi pinagbabago ng panahon si Coco, sa totoo lang. Kumpareng buo namin ‘yan. ‘Yung anak niya kay Katherine Luna ay inaanak namin at inaanak din niya ang bunso naming si Cory.

Kaya nga nagsasakripisyo ang mga bata, dahil ang mga tatay nila’y nagku-quits na lang sa regalo, kaya wala silang natatanggap kahit ano. Hahaha!

MULI NA namang napahagulgol si Pokwang nu’ng ipaalala na naman sa kanya ng isang nagtanong sa presscon ang tungkol sa ama ng kanyang panganay na anak na lalaki na namatay due to brain tumor.

1998 ‘yon nang wala halos magawa si Pokwang, dahil nagtatrabaho siya sa Abu Dhabi. Ang hinihiling lang niya sa ama ng kanyang anak ay bigyan siya ng pamasahe pauwi ng Manila para maabutan pa niyang buhay ang kanyang anak na anim na taon nang mga panahong ‘yon.

Hanggang sa namatay na ang anak ay nagmamakaawa pa rin si Pokwang sa ama ng bata. Ang masaklap pa, hindi na nga nakapagbigay ay narinig pa niya rito ang dayalog na wala na ang bata, kaya tapos na rin ang lahat sa kanila.

Hirap na hirap ang kalooban noon ni Pokwang. Kung me pera lang siya nang mga sandaling ‘yon, baka me nagawa pa siyang himala para lang madugtungan ang buhay ng kanyang anak.

Kaya nga kahit sa bagong bahay ni Pokey ay nilaanan niya ng isang kuwarto ang kanyang anak na lalaki na everytime siya’y uuwi ay tsinetsek niya ito. Alam niyang wala na, pero ini-imagine pa rin niyang nandu’n lang ang bata at sinusubaybayan ang ina at kapatid nitong babae.

Kaya feeling namin, dahil isang OFW si Pokey sa A Mother’s Story ay yakang-yaka niya ang ginampanan niyang papel. Inuna itong i-showing sa ibang bansa at dito naman sa ‘Pinas ay sa January 8 nakatakdang ipalabas.

In fairness to Pokwang, siya ‘yung artistang galing sa wala, nagkaroon at may pangalan, pero hindi pa rin pinagbabago ng kasikatan at panahon.

LIMANG INDIE films ang masu-werteng napili ng New Wave section ng Metro manila Film Festival na magkakaroon ng special screening from Dec. 17-21, 2011 sa Robinson’s Galleria Cinema 3.

Kasama diyan ang “H.I.V.” ni Jake Cuenca, “Haruo” ni Rosanna Roces, “Pintakasi” nina JM de Guzman at Erich Gonzales, “Ritwal” ni Maria Isabel Lopez at ang entry ng aming OgieD Productions, Inc., ang “Dyagwar”.

Ang Dyagwar ay istorya ng dalawang gwardiyang sina Eric Fructuoso at Boom Labrusca na siyang halinhinang nagbabantay ng isang compound at sila mismo ay may kani-kanyang encounter sa mga tenants ng baklang katiwalang si Chiokla Gaston.

Maaasahang gwardiya ngunit sa bandang huli, sila’y parehong umiiyak. Bakit kaya? At ano ang kanilang kasalanan? Ano rin ang kinalaman ng “banyo” sa tabi ng kanilang puwesto kumbakit sila umiiyak?

Gusto n’yong malaman? Heto ang screening: December 17, 9pm – premiere night kung saan naroon ang buong cast at ibang artista. Dec. 18, 12nn (P100 lang ang ticket), Dec. 19, 9pm at Dec. 21, 4:30pm. For tickets: pls text 0927-3234351.

Sana ay suportahan n’yo. Kami kasi ang sumulat ng screenplay. Hehehe.

Para naman sa full trailer, pasyal lang kayo sa www.facebook.com/dyagwar.

Oh My G!
by Ogie Diaz

Previous article‘Di Pa Nakakasampa, May Kaso Na
Next articleMga Epal sa Kaso ni GMA

No posts to display