PAMILYAR BA ang linyang “Siyempre, made in UK… ukay-ukay?” Siyempre, sino ba naman ang makalilimot sa kasikatan ng isang detergent soap commercial na nagpauso nito? Naging bahagi na ng Pinoy vocabulary ang salitang UK bilang Ukay-ukay. Bakit? Kasi kapag sinabing Pinoy, praktikal ‘yan! Praktikal sa lahat ng bagay, kahit pagdating sa sarili, kuripot pa rin. Lahat gagawin para lang makatipid. Kaya pati ang U-shopping o ukay-ukay shopping, pinapasok. Aba! Only in the Philippines ka lang yata makakikita ng mga second hand na gamit, nabebenta pa rin! Pero tulad nga ng nabanggit ko kanina, second hand o napaglumaan na gamit ang mga ito. Makasisiguro nga ba tayo?
Kung mayroon ka namang suki na pamilihan ng mga ukay-ukay na gamit, walang masama roon. Ibig sabihin, marunong ka nang kumilatis. Pero para sa mga hindi marunong, ito ang tips para sa inyo.
Una, makipagtawaran ka hangga’t maaari. Kung minsan kasi, may mga nagbebenta pa rin ng segunda-manong kagamitan na halos hindi naman nagkakalayo sa orihinal na presyo lalo na kapag alam niyang first time buyer ka.
Pangalawa, kilatising mabuti ang bibilhing kagamitin. Huwag ‘yong unang kita mo pa lang, porke’t nagustuhan mo na, bili kaagad. Tingnan muna ang mga sira o dumi sa item na iyon.
Pangatlo, alamin kung kailan pa binili ito o kailan huling ginamit at sino ang may-ari, mamaya kasi panahon pa ng kopong-kopong iyon nabili o kaya namatay na ‘yung may-ari o galing sa nakaw ‘yung gamit, sige ka, ikaw rin. Konsensya mo rin ‘yon.
Pang-apat, bumili sa mga ukay-ukay stores na malinis ang kapaligiran. Nagsisilbi rin itong pangitain na puwede tayong makasiguro sa kanilang binebentang gamit.
Sabihin na nating nabili mo na ang damit, bag o sapatos sa ukay-ukay. Hindi riyan natatapos ang pagiging maingat at magaling na mamimiling Pinoy. Dapat linisin mo muna ito at siguraduhing na-disinfect mo na ito. Paano gagawin iyon? Una, ibabad ito sa mainit na tubig. Parang bote ng bata lang iyan na bago gamitin, pakukuluan muna para matanggal ang mga bacteria. Laging isaisip na ikaw mismo ang maglaba ng mga kagamitang ito para masiguro mo na nalilinis maigi ito lalo na sa mga parte tulad ng sa kili-kili at collar. Pangalawa, haluan ito ng Lysol o detergent powder. Babaran ito ng tatagal sa 30-45 minutes. Banlawang maigi, at sabunin ulit ng mga hanggang tatlong beses. Pangatlo, sabunin naman ito gamit ang fabric conditioner nang bumango. Pang-apat, isampay at patuyuin sa araw.
Kung nagtataka ka bakit maraming dapat isaalang-alang sa mga binili galing ukay-ukay, aba, nararapat lang iyon! Iba pa rin ang nakasisiguro tayo. Mahirap din kasi magtiwala sa mga pinaglumaang kagamitan lalo na kapag mga damit at sapatos ang pinag-uusapan kasi madaling kumapit ang impeksyon at bacteria rito.
Pero mga bagets, mas aprub pa rin kung mga hindi pinaglumaang gamit ang bibilhin. Huwag maging masyadong kuripot at madamot para sa sarili. Kung pera ang pinoproblema, marami rin namang pamilihan diyan na tiyak kang makatitipid at makasisiguro tulad na lang ng Greenhills, Bazaar at Divisoria.
Kung kayo ay may mga komento o suhestyon, maaaring mag-email sa [email protected] o mag-text sa 0908-878836.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo