Madras Compound

SA MAHIRAP na bahagi ng Makati, natagpuan ko ang Madras Compound isang umaga ng Linggo. Isang 10-door apartment na yari sa hollow block, kahoy at bubong na yero. Galing ako sa isang maruming entresuelo sa San Andres Bukid matapos ang tatlong taong pagtitiis sa lublob sa baha kahit tag-araw. Dekada ‘80.

Napakapayapang panahon. Simple ang buhay. Pamasahe sa bus o dyip ay 10 sentimos lamang. Medical writer ako sa Unilab, isang pharma firm na pag-aari ng yumaong Jose Y. Campos, na may P50 monthly salary. Halagang kulang pa sa aming araw-araw na pangangailangan. Mabuti na lang ang aking maybahay ay nagtatrabaho sa GSIS.

Pitong pamilya ang inabutan namin sa Madras Compound. Lower middle class families, may kanya-kanyang preoccupation at pangangailangan. Katulad ko, simple rin ang kanilang buhay. Katulad ko, mga munting pangarap ding hinahabol, inaasam-asam.

Sabado ng gabi, laging may munting pot luck na pagsasalo sa compound. Kainan. Inuman. Kuwentuhan. Kantahan. Okasyong nagbubuhol sa amin tulad ng isang malaking pamilya.

Katapat kong apartment ay naninirahan ang isang 60-anyos na law professor sa Far Eastern University na may kabiyak na kalahati sa kanyang edad. Medyo may pagka-palikero ang lalaki at ubod ng selosa ang babae. ‘Di nagmimintis, isang linggo na walang away ang mag-asawa. Away na sa amin ay naging normal na kahit lumilipad ng bote, palayok, at kawa sa loob at labas ng kanilang bahay.

Sa apartment no. 4, may kapit-bahay akong PAL steward. Mahigit na 45 ang edad, binata. Palibhasa broken hours ang international flight schedule, ang gabi ay araw sa kanya at ang araw ay gabi. ‘Pag off duty, bote ng rhum ang kanyang kaulayaw. Walang paltos. Isang umaga, umalis nang biglaan sa compound. Walang nakaaalam kung saan nagtungo. Ewan kung nasa planeta pa siya ngayon.

‘Di maiiwasan ang intrigahan, tsismisan, konting awayan sa compound. Ngunit lahat-lahat kami’y nagkakaisa, nagtutulungan, nagmamalasakitan.

Taong 1992 nu’ng kami’y lumipat sa Merville Subdivision sa Parañaque, isa ring compound na may iba’t ibang uri rin ng pamilya ang naninirahan. ‘Di hamak na mas maganda ito kaysa sa Madras Compound. Ngunit kaiba. ‘Di nagbabatian, nagtutulungan ang mga naninirahan. Ang bintana ay protektado ng steel grills. ‘Di halos kami magkakakilala.

Matagal na rin kaming umalis sa Merville Compound. Ngunit may mga gabing ako’y nagigising. Painit ng kape ang tiyan at tila may hapdi at kasiyahang naaalala. Parang bugso ng hanging amihan ang alaala ng Madras Compound. Ang mga pamilyang naging bahagi ng aking buhay. Sabadong pagsasalo. Intriga. Tampuhan. At tsismisan. Ngunit lahat-lahat ay matamis na karanasan at alaala.

Naalala ko ang palikerong professor at binatang PAL steward. Naalala ko si Pareng Jojo, Pareng Roy at Kumareng Hilda Darvin, Pareng Manny Bondad, Gandhi, Iking, Garis at pumanaw na Vic. Naalala ko ang pumanaw na Mr. & Mrs. Antonio Grau.

SAMUT-SAMOT

 

HUNDREDS OF faithful have converged on a cathedral in the Columbian hospital to see drops of blood of the late Pope John Paul II who was beatified last year. The blood contained in a case brought from Germany to Columbia was on public display. “Columbian Catholics want to ask John Paul through his blood to intervene and make peace in the country,” said the faithful.

THE LONG arm of the law may finally catch up witth former PCSO Chair Manoling Morato. Senate Blue Ribbon Committee at PCSO ay naglatag ng plunder case sa kanya kasama si dating PCSO General Manager Rosario Uriarte at iba pang dating board members. Nangunguna sa sinampahan ng kaso ay si dating Pangulong GMA. Matapos maalis si Morato bilang board member pag-upo ni P-Noy, ‘di na niya tinigilang batikusin ang PCSO sa pamumuno ni Margie Juico.  Sa kanyang column sa isang tabloid, kung anu-anong akusasyon at unprintables ang ibinabato kay Juico. Sa Senate investigation, lumitaw na sa utos ni GMA, ginalpong nila ang P376-M intelligence fund ng ahensiya sa ‘di maipaliwanag na gastos.

SI MORATO ay nahaharap din sa kasong electioneering na ngayon ay dinidinig ng Comelec. Mahirap kalaban si Morato. Mataray. Talagang palaban. ‘Pag napatunayan, maaaring maghihimas siya ng malamig na rehas sa kanyang katandaan.

Halos lahat ng ating institusyon ay sinalanta ni GMA. Corruption sa military at iba pang ahensiya ay kanyang pinabayaan. Marami pang kalansay ng korapsyon ang magsisilabas. Kaawa-awang GMA.

KAAWA-AWA ANG sitwasyon sa Rizal Medical Center sa Pasig City. Mga indigent patients walang supply ng gamot. Saan napapunta millions of medical budget ng DOH? Panahon pa ni Moses ang suliraning ito. Wala bang gustong magmalasakit?

BUWAN NG Pebrero at Marso ay panahon ng sunog. Mag-ingat tayong lahat. Dapat pre-emptive measures sa gawa ng pamahalaan. Mga squatter areas, paboritong pagsimulan ng sunog. Dapat tutukan ang mga pook na ito. May kasabihan: “Mabuti pang sampung beses kang manakawan kaysa isang beses na masunugan.” Ngunit kung tutuusin sa abo ang tungo ng lahat.

MAGPATULOY PA kayang mag-perform si Shalani Soledad sa Channel 5? Sana’y huwag naman sana siyang huminto. Libu-libo na ang kanyang mga fans, kasama na ang manunulat na ito. Sana’y matagpuan niya ang kaligayahang ‘di naipagkaloob sa kanya ng kanyang ama. Mabait si Shalani. Napakabait ng dating.

PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez

Previous articleLutuan sa Ombudsman at Umiba si Dirty Harry
Next articleKarapatan ng Piece-Rate Employee

No posts to display