NITONG NAKARAANG mga araw ay napabalita ang nagaganap na korapsyon sa Philippine Red Cross. Ito ang hinihimutok ni Rosa Rosal na bukod sa pagiging artista ay nakilala sa pagiging bukas palad sa pagtulong sa ating mga kababayan sa pamamagitan ng pagiging aktibo at pamumuno sa Red Cross sa loob ng napakatagal na panahon.
Hindi naman siguro bampira o aswang ang mga kasangkot sa korapsyong ito. Ang sa akin lang ay tila walang pinapatawad ang mga kawatan sa pangungurakot at pati ang tinitingalang institusyon pagdating sa pagkakawang-gawa ay pinasok na rin ng korapsyon.
Lumalabas ngayon na tila wala na talagang matinong institusyon ang gobyernong tunay na nagsisilbi sa taong bayan. Sa isang banda ay mabuti na ring nalalantad na lahat ng kabulukan sa ating bansa para muli tayong makapagsimula ng isang bagong lipunan kung saan may tiwala ang mamamayan sa kanyang pamahalaan.
MARAMING NAKAPUPUNA na parang laging sablay ang mga taong inilalagay ni Pangulong Aquino sa mga puwesto ng kanyang gobyerno. Totoo nga kaya ang kasabihang “like father, like son” o “like mother, like daughter” o sa sitwaston ni PNoy ay kung ano ang puno ay siya rin nga ba’ng bunga?
Nabanggit ko ito dahil halos ganito rin ang naging sistema sa panahon noon ni dating Pangulong Corazon Aquino. Naniniwala akong hindi talaga matatawaran ang katapatan ni Pangulong Cory at ang kanyang mga naiambag sa pagkakabalik ng demokrasya sa ating bansa mula sa diktadurya ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Ang naging problema noon sa panahon ni Pangulong Cory ay ang mga taong nailuklok niya sa mga puwesto sa gobyerno. Sabi nga ng mga political analyst noon ay ang malaking pagkakaiba sa gobyernong Marcos at Cory ay ang sistema lamang ng korapsyon. Ang korapsyon sa panahon ni Marcos ay oligarkiya. Iilan o si Marcos at mga cronies lang niya ang nagnanakaw noon sa gobyerno.
Samantalang sa panahon ni Pangulong Cory ay demokratiko ang pagnanakaw. Halos lahat ng nailulok niya sa puwesto ay nagnakaw. Bukod-tanging siya nga lang ang hindi nagnakaw sa gobyerno. Ang mga nailagay niya sa kanyang gabinete gaya ni dating Trade and Industry Secretary na si Gloria Macapagal Arroyo na naging pangulo natin sa halos sampung taon ay nahaharap ngayon sa tatlo o mahigit pang plunder cases.
Gayun din ang dating Chief of Staff ng AFP sa panahon ni President Cory at kalaunan ay naging Defence Secretary niya na si Fidel V. Ramos. Naging Pangulo rin ito ng bansa at naharap din sa mga isyu ng korapsyon gaya ng “Amari Lands” at “Centennial Village” sa Subic.
Mukhang bukod sa tunay na aral ng demokrasya ay natuto rin ang ating mga pulitiko sa panahon ni President Cory na maging tuso sa pagnanakaw sa gobyerno.
SANA AY hindi ganito ang sapitin ng rehimeng PNoy. Lagpas na sa kalahati ng kanyang termino ng panunungkulan si PNoy at nag-aabang na ang mga buwayang papalit sa kanya. Sa dami ng mga kalokohang napapabaita mula sa mga taong inilagay ni PNoy sa gobyerno ay malaki ang probabilidad na ang ilan sa mga ito ay magiging Pangulo rin ng bansa sa mga darating na panahon.
Ang masakit niyan ay paikut-ikot lang ang ating kasaysayan sa walang hanggang pakikibaka laban sa mga magnanakaw sa gobyerno. Isang “vicious cycle” kung tawagin. Naniniwala rin akong hindi magnanakaw si PNoy gaya ng kanyang ina. Ngunit gaya rin ng kanyang ina ay mukhang pumapalpak si PNoy sa pagkuha ng mga taong kanyang pinagkakatiwalaan.
Shooting Range
Raffy Tulfo