DAHIL SA sobrang pagod sa dinanas na kasagsagan ng matinding pagbaha dulot sa hanging habagat, nakatulog nang mahimbing ang mag-asawang Christopher de Leon at Sandy Andolong sa kanilang resthouse sa Lipa, Batangas.
Ayon na rin sa report ng pulisya at nasagap naming balita, alas-dos ng madaling araw ng kahapon nang pasukin ng akyat-bahay gang ang tahanan nina Boyet at Sandy habang himbing na himbing silang natutulog sa kanilang kuwarto.
Alas-tres daw ng madaling-araw, nagising si Boyet para pumunta ng palikuran at dito natuklasan ng actor na bukas ang bintana ng kanilang palikuran.
Isinara naman ito ni Boyet sa pag-aakalang nabuksan lang dahil sa lakas ng hangin at mu-ling bumalik sa kanilang kuwarto para matulog.
Kinahapunan nang magising sila at dito lang daw napansin na nawawala na ang pitaka ng actor at pitaka ni Sandy, na natural naglalaman ng cash, at iba pa nilang gamit na nasa mismong kuwarto nila.
Dahil na rin siguro sa sobrang pagod kaya ‘di basta nagising ang mag-asawang Boyet at Sandy. Mabuti na rin siguro na hindi nagising ang mag-asawa, dahil kung nagkataon ay baka kung anong masamang ginawa pa sa kanila ng akyat-bahay gang.
MARIING ITINANGGI ni Roderick Paulate na hindi na niya nagagampanan ang tungkulin bilang konsehal ng 2nd district sa Quezon City nga-yong suspendido siya, dahil sa isyung graft and corruption na ibinintang sa kanya partikular na ang kasong ghost employees sa kanyang opisina.
Nagtataka lang si Dick kung bakit ibinabalitang tinalikuran na niya ang kanyang constituents at parang ini-enjoy na niya ang kanyang suspension.
Sa totoo lang, sa kasagsagan ng hagupit ng habagat ay tatlong araw na nagpakain sa Bagong Silang si Dick. Ang naturang lugar kasi ang may pinakamaraming apektado ng pagbaha.
Ayon sa kuwentong nasagap namin, halos walang pahinga raw si Dick dahil palagi itong nasa site at ‘di alintana ang lakas ng ulan. Kahit tapos na ang ulan noong Thursday at Friday, bumaba pa rin siya sa Bagong Silang para magpakain.
Kaya naman nang makatsikahan namin si Dick sa dining hall ng GMA-7, pinasinungalingan nito ang balitang deadma na siya sa kanyang nasasakupan.
“Bumababa ako sa mga nasasa-kupan ko at ginagawa ko pa rin ang trabaho ko. Inaalam ko pa rin kung ano ang mga pangangailangan nila. Hindi totoong tinalikuran ko ang mga kababayan ko.
“Noong tumakbo ako, kasama sa goal ko ay mapaglingkuran sa abot ng aking makakaya ang aking mga kababayan,” say ni Dick
Kahit suspendido, hindi naman daw ipinagbabawal sa kanya ang pumasok sa kanyang opisina at mag-libot sa kanyang constituents.
“Ang hindi lang puwede ay pumirma ng kung anu-ano na may kinalaman sa aking office. Other than that, nagagawa ko pa rin ang trabaho ko,” say pa ni Roderick.
HINDI NATULOY ang pagpunta sana ni Rufa Mae Quinto sa ilang barangay sa Quezon City at Marikina para mamigay ng relief goods sa mga nasalanta ng ulan at baha. Sa halip ay napunta siya sa Pasig at doon namigay ng mga nakalap na donasyon kasama ang co-star din niya sa Bubble Gang na si Gwen Zamora.
Ayon sa aming source, hindi na natuloy si Rufa Mae ng pagpapakain ng lugaw at pansit dahil nagahol na ito sa panahon. Mas inuna na raw kasi nito ang magbalot ng sandwich at boiled eggs pati na ng mga bigas, de-lata, noodles atbp.
Na-late na raw ng pagpu-pull-out ang gru-po kaya minabuti na lang nina Rufa at Gwen na sa isang barangay sa Pasig sila pumunta. Mahigit 500 katao raw ang pinagdalhan nila ng relief goods.
That day, Thursday ay nagkataon naman na birthday ni Gwen at ayon sa source, dapat ay magpa-party si Gwen pero dahil sa marami ang na-ngangailangan ng tulong ay ipinamili na lang daw ng actress ng pagkain at gamit ang dapat na gagastusin.
Ikinaloka naman ilang press na nakaalam na bukod sa noodles, coffee at bottled water ay namigay rin si Gwen ng mga nakabalot na litson manok at corned beef.
Sabi ni Gwen, happy siya kahit na hindi nakapag-party. Nakatulong naman daw siya sa mga kababayan nating nangangailangan ng tulong.
Oh. C’mon!
By Gerry Ocampo