MARAMI BA kayong mga frustration sa buhay? ‘Yung tipong mga bata pa lang kayo, kay rami n’yo nang gustong makuha, pero hindi n’yo magawa? Ano nga ba ang tinutukoy ko? Ito ‘yung mga ambisyon ninyo sa buhay noong mga bata pa lang kayo.
Pinangarap mo bang maging doktor? Maging guro? Maging artista? Maging bankero? Maging astronaut? Maging bumbero? Maging nurse? Maging chef? Maging pulis? O baka naman noong bata ka pa, pinangarap mong maging chef na guro? Maging doktor na astronaut? Maging bankero na pulis?
Ganyan na ganyan tayo noong mga bata pa lang tayo. Ang dami nating pangarap na propesyon. Pero siyempre, habang tumatanda tayo, napalalapit nang napalalapit tayo sa kung anuman ang gusto natin maging. Pero minsan, naisip n’yo ba kung ano ang pakiramdam na maisabuhay ang mga ambisyon ninyo noon? Tutulungan tayo ng KidZania na makamit ang pangarap natin kahit sa loob ng isang araw lamang!
Ang KidZania Manila ay isang uri ng indoor family entertainment center na matatagpuan sa Bonifacio Global City. Ito ay franchise mula sa isang Mexican chain of family entertainment center, kung saan ang mga bagets na nasa edad apat hanggang 14 ay mabibigyan ng pagkakataon na isabuhay ang iba’t ibang propesyon gaya ng pagiging bumbero, accountant, at marami pang iba.
Alam n’yo ba na ang KidZania Manila na ang ika-11 na KidZania theme park sa Asya at pang-20 na rin sa buong bansa.
May humigit-kumulang na 70 role playing activities mula sa 55 na brands at establishments sa KidZania. Hindi ito basta-basta, dahil ang mga nasabing role playing activities ay sponsored mismo ng real brands, kaya naman parang totoong-totoo talaga ang feeling sa pagsasagawa ng role playing activities.
Hindi lang puro saya ang maibibigay ng KidZania sa mga bagets. Bakit? Dahil may aral ding makukuha rito. Maituturo ng KidZania sa mga bagets ang kahalagahan ng pagsusumikap para makakuha ng pera.
Sa murang edad, itinuturo sa kanila na ang pera ay hindi basta-basta at ito ay pinagtatrabahuan at pinaghihirapan. Paano? Sa kanilang pagbisita sa KidZania, sila ay bibigyan ng 50 KidZos. Nasa kanilang pagdedesisyon kung ise-save nila ito sa banko o ipanggagastos sa mga gusto nilang bilihin. Ang maganda pa rito, kung sila ay magtatrabaho, makakukuha pa sila ng mas maraming KidZos.
Nakatitiyak pa ang seguridad ng KidZania Manila. Lalung-lalo na’t mga chikiting ang bida rito. Para sa mga magulang o guardians na gustong iwan muna ang mga bata sa KidZania at balikan na lang sila pagkatapos, walang problema dito dahil secure na secure ang mga bagets dito.
Bukod sa mga CCTV at security personnel na nakapalibot sa buong lugar, mayroon din silang tinatawag na RFID bracelet o Radio Frequency Identification. Bawat bibisita sa KidZania ay magsusuot nito. Ispesyal ang bawat RFID bracelet dahil ang RFID bracelet ng mga bata ay naka-match lang sa kanilang mga guardians at wala nang iba! Hindi rin papayagang makaalis ang mga bagets kung walang guardians na kasama at kung hindi magma-match ang kanilang RFID bracelets.
Kaya ano pa ang hinihintay ninyo? Maging feeling kid na, mga bagets, sa KidZania Manila!
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo