TUWING SUMMER, dumarating ang tinatawag na ‘El Niño’ phenomenon, kung saan tumataas nang sobra ang init ng panahon. Sa tindi ng init ng araw, natutuyo ang mga sakahan, nalalanta at nangamamatay ang mga pananim tulad ng palay at mais, biglang nasusunog ang mga tuyong damo tulad ng nangyari kamakailan sa NLEX at sa Davao City, at pagkamatay ng mga alagang hayop. Kaya pinag-iingat ang publiko sa panganib na dulot ng heat stroke na maaari nilang ikamatay.
Ang ‘heat stroke’ ay isang seryoso, abnormal, at mabilis na pagtaas ng temperatura ng ating katawan na umaabot ng 410 Celsius at pataas, hanggang sa ito ay hindi na makontrol at nagiging dahilan ng pagkakaroon ng pinsala sa utak, puso, atay, at muscles o pagkamatay kung hindi agad malalapatan ng lunas.
Kung minsan naman ay aabot pa ng ilang araw bago magkaroon ng reaksyon ang katawan dahil sa tinatawag na ‘heat exhaustion’ sanhi ng kakulangan ng tubig sa katawan dulot ng init ng panahon. Ang mga taong kadalasang naaapektuhan nito ay iyong mga matatanda, may alta presyon, at nagtatrabaho o kumikilos sa lugar na nakabilad sa araw.
Ang mga paunang babala sa pagkakaroon ng heat exhaustion ay ang mga sumusunod: mainit na pakiramdam, pinagpapawisan nang husto, pagkatuyo ng balat, mabilis na pintig ng puso, mababaw ngunit mabilis na paghinga, panghihina, pamumutla, pagsakit ng ulo, at pagkahilo.
Nakamamatay man ang heat stroke, ito ay maaaring maiwasan. Uminom ng malamig at maraming tubig, magpahinga sa isang malilim at mahangin na lugar, at maligo lalo na kung mainit na ang pakiramdam. Kung lalabas man ng bahay at maglalakad sa initan, pinapayuhang magsuot ng magaan, puti at maluwag na damit, at magpayong o magsuot ng sumbrero. Maaari ring maglagay ng ‘sunscreen’ o ‘sunblock’ 30 minuto bago lumabas ng bahay upang hindi masunog ang balat na makaaapekto sa kakayanan ng katawang magpalamig. Iwasang magbabad sa init, at iwasan din ang mga inuming nakalalasing, softdrinks, kape, at tsaa na maaaring magdulot ng pagkawala ng tubig sa katawan o dehydration. Siguraduhin na huwag mag-iwan ng bata sa loob ng nakaparada at saradong sasakyan sa ilalim ng init ng araw.
Kung sakaling maospital ang miyembro ng PhilHealth o ang kanyang qualified dependents dahil sa heat stroke, may nakatalagang P6,500.00 bilang benepisyo na maaaring makamit sa accredited na pasilidad.
Bago lumabas ng ospital, isumite ang mga sumusunod sa Billing Section upang maka-avail ng benepisyo:
Maayos na napunan na PhilHealth Claim Form 1 na maaaring hingin sa ospital, tanggapan ng PhilHealth o i-download mula sa www.philhealth.gov.ph
Ia-access naman ng ospital ang Health Care Institution (HCI) Portal at ipi-print ang PhilHealth Benefit Eligibility Form (PBEF)
Upang maka-avail ng benepisyo, kailangang accredited ang ospital at doktor, at hindi pa nauubos ang nakalaan na 45 na araw ng pagpapaospital sa isang taon para sa miyembro, o ang hiwalay na 45 na araw na paghahatian ng kanyang qualified dependents. Isumite ang kopya ng Member Data Record o health insurance ID Card at napunang Claim Form 1 sa billing section ng ospital bago lumabas.
Para naman sa mga senior citizens, tandaan na ang unang ibabawas sa bayarin sa ospital ay ang 20% senior citizen discount bago ibawas ang mga benepisyo sa PhilHealth. Kung ang senior citizen ay isa ring person with disability (PWD), isa lamang sa kanyang senior citizen discount o PWD discount ang maaaring ibawas sa bayarin sa ospital. Ang mga gamot na binili at pagsusuring ginawa sa labas ng ospital habang naka-confine ay maaaring ipa-reimburse sa ospital kung hindi pa nauubos ang kaukulang benepisyo para sa sakit. Siguraduhin ding naibawas ang PhilHealth benefits sa mga bayarin sa ospital at doktor bago pumirma sa Claim Form 2.
Para sa karagdagang tanong tungkol sa paksang ito, tumawag lamang sa aming Call Center sa (02) 441-7442 o magpadala ng email sa [email protected].
Alagang PhilHealth
Dr. Israel Francis A. Pargas