ANG FACEBOOK ay ginagamit para makihalubilo sa mga kaibigan at kamag-anak. Sabihin na lang natin na ang Facebook ay ginawa para sa pakikipagkaibigan basta huwag mo lang kakalimutan na i-add as a friend mo sila.
Ang Twitter naman ay nariyan upang makasagap ng updates mula sa mga kaibigan, kaaway, crush, at maging updates mula sa mga iniidolong artista sa local at international industry. Basta huwag mo lang ding kalilimutan na i-follow sila.
Ang Instagram naman ay ginawa para sa pagbabahagi ng kuwento ng buhay sa pamamagitan ng pagpo-post ng mga larawan. Ito ang nagsisilbing photo diary ng lahat ng tao. Puwede rin nilang makita ang mga Instagram post ng ibang tao basta i-follow lang din sila. Huwag mo lang ding kalimutan na hindi lang basta-basta i-filter o i-edit ang larawan, i-filter n’yo rin ang mga larawan na ipo-post n’yo. Hindi lahat kinakailangan kuhanan ng larawan at ibinabahagi sa followers.
Ang YouTube naman ay nariyan upang maibahagi ang talento na mayroon ang bawat isa. Ginawa rin ito bilang “self-expression arena” kung saan puwede mong i-post ang videos mo gaya ng covers ng mga kanta at sayaw. Puwede mo ring i-view ang videos ng ibang tao at puwede mo rin itong masubaybayan basta mag-subscribe ka lang sa kanila.
‘Yan siguro ang mga pangunahing social networking sites na mayroon ang mga kabataan ngayon. Kaso parang kulang? Walang pambalanse. Para bang puro ‘network of friends’ lang ang nabubuo rito. Paano naman ang konteksto ng ‘real world’? Kinakailangan din naman natin ng ‘professional network’. Bakit? Tandaan, hindi na tayo bumabata, tumatanda tayo. Kaya bago ka pa mahuli, gawa-gawa din ng LinkedIn.
Ano nga ba ang LinkedIn? Gaya ng sinabi ko, ito ay ang unang hakbang upang makabuo ng professional network sa mundo ng online. Sa madaling salita ang LinkedIn ay isang “business-oriented social networking service”.
Anu-ano nga ba ang magagandang naidudulot nito lalo na sa kabataan na tulad n’yo?
Isa kasi sa basic features ng LinkedIn ay para makabuo ng business relationships sa pagitan ng workers at employers. Lahat ng users ng LinkedIn ay puwedeng mag-invite ng sinuman kahit maging ang mga taong wala pang LinkedIn account, upang maging connections. Sa pamamagitan nito, kayo ay ‘one step closer’ na sa mga boss na maaaring tumanggap sa inyo sa trabaho.
Sa pagkakaroon ng ‘connections’ sa LinkedIn, nagbubukas ito ng pinto sa maraming bagay gaya ng: pagkakaroon ng oportunidad na makakuha ng trabaho. Kapag nagustuhan ng employer ang iyong profile, maaari ka na niyang i-contact; lumalaki ang iyong ‘professional network’ dahil pwede kang i-recommend ng iyong connections sa kanilang connections; para sa mga naghahanap ng trabaho, puwede nilang ma-view ang profile ng employers. Sa pamamagitan nito, nagkakaroon na sila ng idea kung ano nga ba ang hanap nila sa isang empleyado; puwede ka ring mag-‘like’ at ‘congratulate’ ng connections kung sila ay may bagong achievements na nakuha gaya ng pagkakaroon ng bagong trabaho.
Maganda ang naidudulot ng LinkedIn lalo na sa mga bagets dahil ngayon pa lang nagbibigay na ito ng oportunidad para makabuo ng network sa corporate world. Marahil sa ngayon hindi n’yo pa makita ang importansya ng LinkedIn dahil bata pa lang kayo at nag-aaral pa rin sa high school o sa kolehiyo, darating din ang araw na magpapasalamat kayo at may LinkedIn. Kaya ano pang hinihintay n’yo? Gumawa na ng magandang kinabukasan sa pamamagitan ng paggawa ng makabuluhang LinkedIn account.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo