BAGO NAGTAPOS ang taong 2014, isa na namang magandang balita ang inihatid namin sa ating mga kababayan, lalo na sa mga nakatatanda. Ito ay walang iba kundi ang pagkakapasa ng Republic Act 10645 o ang batas na nag-amyenda sa naunang RA 9994 o ang Expanded Senior Citizen Act of 2010.
Dahil sa RA 10645, awtomatiko nang maituturing na miyembro ng PhilHealth ang lahat ng senior citizens, o iyong mga Pilipinong may edad 60 taong gulang at pataas. Dahil dito, lalo na naming nailapit ang programa sa mga Pilipinong mas nangangailangan ng kaseguruhan sa kalusugan. Agad naming itinatag ang panibagong kategorya ng miyembro na tinaguriang Senior Citizen Category upang tukuyin ang lahat ng senior citizens na maieenrol sa pamamagitan ng RA 10645.
Lahat nga ba ng senior citizens ay sakop ng RA 10645?
Tuwing tayo ay kinakapanayam ng media tungkol sa paksang ito, narito ang mga pangunahing tanong na ating natatanggap:
- Senior citizen na, pero ni minsan hindi naging miyembro ng Medicare o PhilHealth – pasok siya sa Senior Citizen na kategorya
- Senior citizen na, nguni’t nagtatrabaho pa rin sa gobyerno– hangga’t pormal pang empleyado ng alinmang kumpanya, pampamahalaan man o pampribado, mananatili muna siya bilang miyembro sa ilalim ng Formal Economy;
- Lifetime member na ng PhilHealth, puwede bang lumipat sa Senior Citizen na kategorya?Kung nakarehistro na bilang Lifetime Member, hindi na kailangang lumipat pa ng kategorya dahil habang buhay na po siyang miyembro
- Senior citizen na subali’t kulang pa ng dalawang taong hulog para maging Lifetime member – pasok din siya sa Senior Citizen na kategorya
- Senior citizen na Individually Paying Member ng PhilHealth nguni’t hindi sapat ang kaukulang hulog para magamit ang benepisyo sa ospital– maaari rin siyang mai-enrol sa Senior Citizen na kategorya sa tulong ng PhilHealth CARES o iyong mga staff namin na nakatalaga sa iba’t ibang ospital
- Pareho lang ba ang benepisyo na makukuha ng senior citizen sa ibang miyembro?Kung anumang benepisyong medikal ang nakakamit ng isang miyembro ng PhilHealth, ganoon din ang maaaring makamit ng isang senior citizen na magpaparehistro sa Senior Citizen na kategorya
Madali po lamang ang pagpapamiyembro sa bagong kategoryang ito. Punan lamang ang dalawang kopya ng PhilHealth Member Registration Form na maaaring ma-download sa aming website, ilakip ang isang pirasong 1”x1” na litrato, at kopya ng Senior Citizens ID Card na in-issue ng OSCA o kopya ng anumang dokumento na magpapatunay ng kanilang edad at identity, tulad halimbawa ng pasaporte, birth certificate, baptismal certificate, driver’s license, voter’s ID at iba pa.
Mas mainam kung isahang pagsusumite sa aming mga lokal na tanggapan ang gagawin ng ating mga senior citizens sa tulong ng OSCA upang hindi paisa-isa ang pagpunta nila sa aming tanggapan. Tatanggapin naman din namin ang mga senior citizens na didiretso sa aming mga Local Health Insurance Offices upang magparehistro. Paalala lang po: mag-ingat sa mga ‘fixer’ na maaaring mag-alok na lakarin ang mga papeles ng senior citizens dahil hindi po namin kikilalanin ang mga taong hindi naman awtorisado ng mga senior citizens.
Paano naman ang kanilang taunang prima sa programa ng PhilHealth?
Sagot ng pamahalaaang nasyonal ang taunang prima ng mga miyembro sa ilalim ng Senior Citizen na kategorya. Ang pondo ay manggagaling sa buwis na makakalap sa pamamagitan naman ng Republic Act 10351 o ang Sin Tax Reform Act of 2013. Ang taunang prima ng mga nai-enrol na senior citizens ay taun-taon ding ilalaan ng National Government upang matiyak na sa oras na kailanganin nila ang kanilang benepisyong PhilHealth, ito ay kanilang magagamit.
Para sa karagdagang tanong tungkol sa paksa natin ngayong Miyerkules, tumawag lamang sa aming Call Center sa (02) 441-7442 o magpadala ng email sa [email protected].
Alagang PhilHealth
Dr. Israel Francis A. Pargas