HANGGANG NGAYON ay mainit pa rin ang isyu ng pagkamatay ng mga PNP-SAF o tinaguriang “Fallen 44”. Kaya naman kabi-kabila ang panawagan sa pagbibitiw ni PNoy sa pagkapangulo. Pati ang ilang Obispo ng simbahang Katolika ay sumasawsaw sa panawagang ito. May mga mambabatas namang nag-uudyok ng impeachment sa Kamara. Sari-saring panawagan mula sa iba’t ibang sektor, kaya tila lalong gumugulo ang usapan at nagbabadya ng isang kawalang sistema. Teka lang mga kapatid, tayo’y maghinay-hinay lang muna!
Kailangang isipin natin nang maigi ang mga desisyong ating gagawin ngayon, dahil masyado nang mababa ang moral ng mga kawal natin. May mga nag-iintriga pa sa pagitan ng mga pulis at sundalo. Lumalabas sa ilang report na naniniwala umano ang hanay ng mga kapulisan na nilaglag sila ng presidente at military sa misyong “Oplan Wolverine”. Ang pananatiling walang imik umano ng mga PNP-SAF sa pulong na nangyari, kung saan ay tikom ang bibig ng mga ito sa pagtatanong ng Pangulo ay isang pagpapakita ng kanilang pagkadismaya kay PNoy.
Napababalita ring nagsigawan umano sina DILG Secretary Mar Roxas at Pangulong Aquino sa loob ng isang silid sa Malacañang dahil sa pagkadismaya ni Roxas sa ginawang paglilihim sa kanya ni PNoy sa misyong “Oplan Wolverine”. Nagmukha kasing tau-tauhang laruan lamang itong si Roxas dahil wala siyang kaalam-alam sa nangyari. Kailangan nating himayin ang lahat ng sulok ng problema at balansehin ang mga epekto nitong “Oplan Wolverine”.
KUMPIRMADO NAMAN ng FBI ang pagkamatay ni Marwan matapos na maikumpara ang DNA sample nito sa DNA sample ng kanyang kapatid na hawak naman ng FBI. Si Marwan ang itinuturing na Osama Binladen ng Southeast Asia na sangkot sa maraming terrorist attacks na pumatay sa maraming inosenteng sibilyan. Mahalagang bigyang bigat natin ang kumpirmasyon ng tagumpay ng “Oplan Wolverine” sa pagkakapatay kay Marwan, sa kabila ng pagkasawi naman ng 44 na SAF commando.
Sa tingin ng mga eksperto sa terorismo, mas marami pang buhay ng tao ang masasayang kung magpapatuloy na buhay si Marwan. Hindi lang mga pulis at sundalo ang maaaring susunod na biktima ni Marwan, kundi pati mga inosenteng bata at ordinaryong mga mamamayang nagtratrabaho lang nang matapat para mabuhay. Sa ganitong lagay ay sulit ang kabayanihan ng 44 na SAF commando.
Sa kabilang kamay naman ay maaaring hindi rin kinailangang malagasan ng pulis ang PNP-SAF kung mainam na naiplano ang lahat. Ang isang sigurado rito ay walang nagnais na malagasan ang SAF ngunit may kailangang managot sa kapalpakang nangyari sa “Oplan Wolverine”. Isang kapalpakang hindi na dapat maulit dahil buhay ng mga tao ang nakasalaylay rito.
NATITIYAK KONG ang Pangulo ay bahagi ng kapalpakan sa pagpaplano ng “Oplan Wolverine” dahil sangkot siya sa mga palitan ng impormasyon at siya ang nag-utos ng misyong ito. Maliwanag na hindi sinunod ni PNoy ang chain of command ng PNP at AFP at ang pananaw na ito’y sinang-ayunan ni dating Pangulong Fidel Ramos. Maliwanag din na mali ang paglilihim ni PNoy kay Roxas hinggil sa “Oplan Wolverine” dahil ito ang kanyang DILG secretary. Si Roxas ay dapat naging bahagi ng planong ito bilang isang DILG secretary.
Sa mga puntong ito ay pumalpak ang Pangulo at siya ay dapat managot sa kapalpakang ginawa niya. Ngunit, hindi rin naman siguro makatutulong ang pagbibitiw ni PNoy bilang pangulo at lalo ang pagdaraos ng isang impeachment process. Dapat nating isipin ang mas malaking epekto nito para sa ating bansa at tingnan ito sa mas malaking perspektibo.
Kailangan din nating lawakan ang ating pang-unawa sa mga desisyong ginawa ng ating presidente at ng director ng SAF na si Getulio Napeñas dahil tiyak na mayroon silang mga dahilan kung bakit nila ginawa ang mga ganitong desisyon. Maaaring nasadlak sila sa mga sitwasyong hindi maiiwasan kaya nagawa nila ang kapalpakang ito. Ang mahalaga lang ay maging malinaw ang lahat para hindi na ito maulit pa.
MAHIGIT SA isang taon na lamang si PNoy mananatili sa kanyang puwesto. Hindi na praktikal pa na dumaan tayo sa isang proseso ng impeachment. Bago pa masimulan ang proseso nito ay baka nakababa na si PNoy sa pagiging pangulo. Tiyak kasi na magiging mahabang debate na naman ito ng mga mahistrado sa Supreme Court hinggil sa legalidad ng impeachment kay PNoy at alam nating lahat kung gaano katagal maglabas ng desisyon ang Korte Suprema. Sa huli ay maituturing lang na “moot and academic” ang kasong impeachment kay PNoy.
Masasayang lalo ang nalalabing termino ni Pangulong Aquino dahil mauuwi lang ang lahat ng ito sa imbestigasyon, siraan sa pulitika at pagpapapogi ng maraming politiko. Kaya naman ang pinakamainam na gawin nating lahat ay huminahon at maghinay-hinay sa ating mga pagdedesisyon. Kumalma tayo at buksan ang ating isip at pang-unawa.
Ang inyong lingkod ay napakikinggan sa Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo