NOONG IKA-21 ng Agosto, ginunita natin ang ika-31 anibersayo ng pagpanaw ng ating bayani na si Benigno Aquino Sr. o mas kilala sa pangalan na Ninoy Aquino. Kinilala natin siya bilang bayani dahil sa dami ng kanyang sakripisyong ginawa maipagtanggol lang ang mga karapatan at maipaglaban ang kalayaan ng mga kapwa Pilipino sa kamay ng pamahalaang Marcos. Kahit ang naging kapalit pa nito ang kalayaan at kaligtasan ng kanyang buhay at pamilya, ginawa niya pa rin ito. Sa katunayan, hanggang sa huling tibok ng puso niya, inalay niya pa rin para sa ating mga Pinoy.
Minsan nang nasabi ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal na “Ang kabataan ay pag-asa ng bayan,” gasgas na gasgas na ang mga salitang ito. Paano ba naman, ilang siglo na ang nakalipas nang una itong nabigkas at napasa na sa bawat henerasyon. Pero bakit hanggang ngayon halos ilang beses na pukpukin ang mga kabataan na isabuhay ang iniwang bilin ni Jose Rizal?
Kahit sa murang edad pa lamang, kaya n’yo nang maging bayani sa simple n’yong pamamaraan. Hindi naman sinabing kinakailangan magbuwis ng buhay upang matawag na bayani, hindi rin naman kailangang maging sikat para makagawa ng makabuluhan sa kapwa. Dapat alam mo lang sa sarili mo na ginagawa mo ang iyong responsibilidad, ginagawa mo ang mabuti at ginagawa mo ang tama.
Paano nga ba ito sisimulan?
Simple lang. Mag-aral ka nang mabuti. Sikapin na makatapos nang walang binabagsak. Maging aktibo sa mga mabubuting programa na isinusulong ng organisasyon sa paaralan. Makatutulong na may balanse ang pag-aaral at extra-curricular na mga gawain. Kinakailangan din kasi na mai-apply ang mga natutunan sa loob ng silid sa praktikal na gawain.
Dapat ikaw ay mayroon laging pakialam sa mga nangyayari sa iyong komunidad at sa buong bansa. Hindi puwede na hahayaan mo lang ang mga masasamang nagaganap dahil kahit bata ka pa lang, may magagawa ka na para maituwid ito. Hindi rin sapat ang simpleng pag-retweet, pag-share at pag-like sa mga balita. Basahin ang mga ito. Dapat alamin mo ang pinag-ugatan. At saka mo tanungin ang sarili mo “ano nga ba ang magagawa ko para maituwid ang mga katiwaliang nagaganap?”
Huwag na huwag mo ring isipin na wala na tayong magagawa upang mapabuti ang kalagayan ng mga Pilipino sa sariling bansa. Kahit saang aspeto mo titignan, mahirap nga itong simulan. Pero mahihirapan ka nga kung titignan mo lang, dapat may kasamang kilos na magaganap. Para mabago ang lumalalang sitwasyon, kailangang magsimula ang pagbabago sa ating mga sarili. Baguhin ang mga hindi kaaya-ayang ugaling nakasanayan. Baguhin ang negatibong tingin sa lipunan. Baguhin ang pag-iisip na “bata pa lang ako kaya wala naman ako magagawa”. Dapat palitan ito ng “bata man ako, marami akong kayang gawin na magpapaahon sa kalagayan ng bawat Pilipino”.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo