HANDA RAW lumuhod ang Master Showman himself sa kasalukuyang mayor ng Quezon City para maaprubahan ang panukalang ma-ging City of Stars na ang Quezon City, na isang proyektong isinusulong ng 2012 Star Awards for TV Ulirang Alagad ng Telebisyon na si German ‘Kuya Germs’ Moreno nang bitawan nito ang kanyang speech sa Henry Lee Erwin Theater sa Ateneo De Manila University kamakailan.
Teary eye at naging sentimental ang magaling na host nang mag-speech at imuwestra pa nito ang pagluhod maaprubahan lang ang matagal na nitong gustong isulong na proyekto sa QC. Naalala pa raw ni Kuya Germs ‘yung time na pinagparada sila sa Quezon Avenue habang sakay ng karosa ang ilan sa maniningning na artista ng nakaraang henerasyon at ng makabagong henerasyon sa pag-aakala nitong aprubado na ang nasabing proyekto.
Laking gulat na lang daw nito nang sabihin sa kanya ni Mayor Herbert Bautista na hindi naaprubahan ang nasabing proyekto na ikinalungkot ni Kuya Germs. At nang mag-krus nga ang kanilang landas sa Star Awards for TV, kung saan nominado for Best New Male TV personality ang anak ni Mayor Herbert na si Harvey, muling tinanong ni Kuya Germs ang Ama ng QC at mabilis nitong sinagot na matagal-tagal pa raw bago ma-implement na gawing City of Stars ang QC.
Muling nalungkot si Kuya Germs sa naging pahayag ni Mayor Herbert at napapaisip daw ito sa kung sino at anong dahilan at hindi maaprubahan ang nasabing proyekto nito, gayong malaking tulong daw ito sa turismo ng QC. Pero hindi pa rin daw susuko si Kuya Germs, lalo na’t naniniwala itong ang QC daw talaga ang dapat na tawaging City of Stars, kung saan lahat ng TV station ay located sa QC at karamihan ng artista ay nakatira sa QC.
NAG-BIRTHDAY LAST Nov. 20 ang isa sa maningning na Tweenstar ng GMA 7 na si Kristoffer Martin, pero walang selebrasyong naganap dahil may trabaho ito nang araw na iyon, kung saan may shooting ito ng “Sossy Problem” ng GMA Films.
Tsika nga ni Kristoffer, puwede pa naman daw nitong i-celebrate ang kanyang birthday, mas mahalaga raw rito ang trabaho. Ayaw raw kasi nitong nababakante, kaya naman daw kapag may trabaho siya ay 100% ang ibinibigay niya rito.
Ilan sa wish ni Kristoffer ang pagkakaroon ng malusog na panga-ngatawan sampu ng kanyang pamilya at mahal sa buhay, wish din nito na magtuluy-tuloy ang suwerteng dumarating sa kanya at pagdagsa ng maraming proyekto.
Bukod sa Sossy Problems, regular ding napapanood si Kristoffer sa Party Pilipinas at Pahiram ng Sandali na magsisimula nang mapanood sa Nov. 26, kung saan gagampanan nito ang role ni Franz ang nakakabatang kapatid ni Alex na ginagampanan naman ni Dingdong Dantes mula sa mahusay na Direksiyon ni Maryo Delos Reyes.
AFTER NG matagumpay ng 1st Year Anniversary Grand Fans Day ng isa sa hottest boyband sa bansa ang UPGRADE na kinabibilangan nina KCee Martinez, Ron Galang, Mark Baracael, Rhem Enjavi, Raymond Tay, Armond Bernas at Miggy San Pablo na ginanap sa Starmall Edsa/Shaw last Nov. 18, muling hahataw ang grupo sa isang back to back Christmas concert entitled “6 Stars of Christmas” with multi-awarded young rapper na si DJ Joph na gaganapin sa Music Box sa Dec. 9, 8pm, kung saan makakasama ng mga ito ang dalawang Tweenstars na sina Teejay Marquez at Hiro Magalona with Fil/Canadian beauty queen singer Gina Damaso at Walang Tulugan With The Master Showman Mainstay Joven Moreno.
VERY VOCAL si Alfred Vargas na isa siyang fan ng ating bayaning si Andres Bonifacio at ito ang dahilan kung bakit nagdesisyon siyang gawin at i-produce ang pelikulang Supremo na tumatalakay sa buhay ng nasabing hero na mula sa direksiyon ni Richard Somes.
Kuwento pa nito na noong nag-aaral pa siya ay hindi ang role ni Jose Rizal ang kanyang pinipili kundi si Bonifacio sa mga stage play. Kahit sa pelikula, pangalawang pagganap na ito ni Alfred bilang Bonifacio dahil noong 2010 ay gumawa siya ng movie entitled Ang Paglilitis ni Andres Bonifacio na idinirihe ng yumaong si Mario O’Hara.
Dagdag pa nito na 1 year and half in the making daw ang pelikulang ito dahil nga kinakailangan pa nilang mag-research. Mapapanood ang Supremo sa Dec. 5 pero magkakaroon muna ito ng red carpet premiere night on Nov. 30 (Bonifacio Day) sa SM Fairview.
John’s Point
by John Fontanilla