UNANG LINGGO na ng Disyembre at marahil lahat tayo ay excited na sa darating na Kapaskuhan. Mayroon nang nagsisimulang mag-shopping, mag-decorate ng bahay, magtayo ng Christmas tree at iba pang palamuti sa bahay at opisina. Marami na rin tayong mga kababayang pauwi na sa Pilipinas mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo upang dito gunitain ang Pasko, kasama ang buong pamilya.
Nguni’t kasabay ng pagiging abala para sa padating ng holiday season, ang nababalitaan nating mga insidente ng biglaang atake sa puso, alta-presyon, at kung anu-ano pang karamdamang naiuugnay sa mga panahong ito. Bakit nga kaya may mga ganitong pangyayari?
Simulan natin sa ating mga opisina. Dahil Disyembre na, marami ang nag-uubos ng kanilang forced leave kung kaya’t kailangang matapos ang lahat ng nakapilang trabaho bago magbakasyon. Dahil halos walang matitira sa opisina tuwing linggo ng Kapaskuhan, kailangang walang maiiwang nakabitin na trabaho. Ito ang nagdudulot ng stress sa bawa’t empleyado, sa pribado, o sa pampublikong tanggapan man.
Pagdating naman sa bahay, ang maaaring pagmulan ng stress at pagod ay ang paglilinis at paghahanda ng bahay para sa mga darating na kamag-anak, mga inaanak, at mga kaibigang marahil ay ngayon n’yo lang uli makikita. Dahil maraming bisita, tiyak, maraming ihahandang pagkain at sigurado, nakai-stress isipin, hindi lamang ang menu kundi ang mga rekadong kailangang bilhin ng maaga.
Tuwing Disyembre, nariyan din ang mga reunion ng mga kaklase sa high school, sa grade school, o ‘di kaya sa college, kung kaya’t dagdag-aalalahanin din ang sabay-sabay na schedule at preparasyon para sa mga pagtitipong ito. Paano pa kaya kung out-of-town ang mga okasyong ito na nais mo siyempreng daluhan lahat?
Panawagan namin sa aming mga loyal readers dito sa Pinoy Parazzi, hinay-hinay po lamang ngayong panahon ng Kapaskuhan. Maaari rin naman nating ma-enjoy ang mga okasyong ito nang hindi tayo nagmamadali at napupuyat para lang matapos ang mga dapat tapusin. Pahalagahan po natin ang ating kalusugan upang mas mabigyan natin ng panahon at kalidad na oras ang mga taong mahahalaga sa atin. Kung kapos sa budget para sa mga regalo, isang matamis na ngiti na lang ang ihandog. Kung may nakalimutan sa Christmas list, batiin na lang natin ng ‘Maligayang Pasko’.
Kung sakali namang hindi maiwasang magkasakit ngayong Kapaskuhan, laging tatandaan na ang inyong PhilHealth ay nananatiling handa at maaasahan upang mabigyan kayo ng sapat na proteksyong pinansiyal laban sa gastusing medikal. Tulad ng lagi naming paalala rito sa aming kolum, responsibilidad din ng bawa’t miyembro ng PhilHealth na tiyaking updated ang kanyang kontribusyon, pati na ang kanyang member data record, upang hindi magkaaberya sa oras ng pangangailangan.
Siyanga pala, nais kong batiin ang buong team ng Pinoy Parazzi sa kanilang ika-walong anibersaryo ngayong araw. Sana ay patuloy pa ninyong isulong ang makabuluhang pamamahayag para sa kaalaman ng mas nakararaming Pilipino.
Kung may tanong po kayo sa paksa natin ngayon, mangyari po lamang na tumawag sa aming Action Center sa (02) 441-7442, o ‘di kaya ay mag-email sa [email protected]. Sundan din ang aming posts sa aming official Facebook account na www.facebook.com/PhilHealth at sa official Twitter account na @teamphilhealth. Maligayang Pasko sa inyong lahat!
Alagang PhilHealth
Dr. Israel Francis A. Pargas