MAAARI KA nang maging Lifetime Member ng PhilHealth kung ikaw ay:
- 60 taong gulang pataas at nakapaghulog na ng 120 buwanang kontribusyon.
- Retiradong unipormadong kagawad ng AFP, PNP, BJMP at BFP, 56 taong gulang pataas at may sapat na hulog na kontribusyon;
- Retiradong underground mine worker na miyembro ng SSS, 55 taong gulang pataas at may sapat ding hulog na kontribusyon;
- GSIS Disability pensioner, SSS Permanent Total Disability pensioner, o survivorship pensioner ng SSS bago mag ika-4 ng Marso 1995.
Sa mga ganitong pagkakataon, ikaw ay maaari nang maka-avail ng tuluy-tuloy na benepisyong medikal habang nabubuhay.
Napakadali lamang magparehistro. Punan nang tama at kumpletuhin ang PhilHealth Member Registration Form (PMRF) na maaaring mahingi sa alinmang LHIOs ng PhilHealth, o i-download mula sa www.philhealth.gov.ph, at i-submit sa PhilHealth kalakip ang dalawang 1×1 ID picture, kopya ng Sertipikasyon ng pagreretiro mula sa SSS o sa GSIS, at dokumentong magpapatunay na nakapaghulog na ng 120 buwanang kontribusyon.
Maaaring ideklarang dependent ang mga sumusunod:
- Asawa na hindi PhilHealth member
- Anak na mababa sa 21 taong gulang, walang trabaho at walang asawa
- Anak na 21 taon gulang at higit pa ngunit may kapansanan
- Legitimated, acknowledged, illegitimate, adopted, at step-children
- Anak-anakan (foster child) ayon sa Foster Care Act of 2012
Ang miyembro ay agad makatatanggap ng Member Data Record (MDR), at PhilHealth Identification Number Card.
Kung mayroong dapat baguhin sa MDR, isumite sa pinakamalapit na opisina ng PhilHealth ang PMRF na mayroong itinama/panibagong impormasyon o idinagdag na dependent. Lagyan ng check (√) ang “FOR UPDATING” na nasa bandang itaas ng PMRF. Ihanda ang kopya ng karampatang legal na dokumento sakaling hingin bilang patunay.
Ang miyembro at ang kanyang qualified dependents ay may benepisyo sa bawat karamdaman o operasyon kapag sila ay naospital. May nakatalagang halaga (Case Rates) na sasagutin ng PhilHealth, katulad halimbawa sa Stroke – Hemorrhagic o Stroke na may pagdurugo kung saan sagot ng PhilHealth ang halagang P38,000. Habang P9,000 naman ang Hypertensive Emergency/Urgency o sobrang taas ng presyon ng dugo.
Mayroon namang Z Benefit Package para sa may sakit na nangangailangan ng mahaba at mahal na gamutan. May mga kondisyon at panuntunan na dapat matugunan upang makamit ang mga ito sa mga piling ospital ng gobyerno.
Ilan sa mga inilunsad ng PhilHealth na Z Benefit Packages ay para sa breast cancer at prostate cancer, na may benepisyong P100,000 bawat isa; ang coverage para sa Coronary Artery Bypass Graft Surgery na umaabot naman sa P550,000; Kidney transplant na hanggang P600,000 ang coverage.
Mayroon ding mga benepisyong maaaring makamit ang mga Lifetime Members kahit hindi sila mao-ospital. Kabilang dito ang Tuberculosis-Directly Observed Treatment Short-course Package na maaaring makamit sa mga accredited TB-DOTS centers; Outpatient Malaria Package.
Bago lumabas ng ospital, isumite ang mga sumusunod sa Billing Section ng ospital upang maka-avail ng benepisyo:
- Maayos na napunan na PhilHealth Claim Form 1 na maaaring hingin sa ospital, tanggapan ng PhilHealth o i-download mula sa gov.ph
- I-access naman ng ospital ang Health Care Institution (HCI) Portal at i-print ang PhilHealthBenefit Eligibilty Form (PBEF)
Upang maka-avail ng benepisyo, kailangang accredited ang ospital at doktor, at hindi pa nauubos ang nakalaan na 45 na araw ng pagpapaospital sa isang taon, o ang hiwalay na 45 na araw na paghahatian ng kanyang qualified dependents. Ibigay ang MDR o Health insurance ID Card (photocopy) at napunang Claim Form 1 sa billing section ng ospital bago lumabas.
Tandaan na ang unang ibabawas na bayarin sa ospital ay ang 20% senior citizen discount bago ibawas ang mga benepisyo sa PhilHealth. Kung ang Lifetime Member ay isa ring person with disability (PWD), isa lamang sa kanyang senior citizen discount o PWD discount ang maaaring ibawas sa bayarin sa ospital. Ang mga gamot na binili at pagsusuring ginawa sa labas ng ospital habang naka-confine ay maaaring ipa-reimburse sa ospital kung hindi pa naubos ang kaukulang benepisyo para sa sakit. Siguraduhin ding naibawas ang PhilHealth benefits sa mga bayarin sa ospital at doktor bago pumirma sa Claim Form 2.
Para sa karagdagang tanong tungkol sa paksang ito, tumawag lamang sa aming Call Center sa (02) 441-7442 o magpadala ng email sa [email protected].
Alagang PhilHealth
Dr. Israel Francis A. Pargas