HINDI LANG kagandahan ang kinakailangang manatili sa panlabas at panloob na kaanyuan. Ang pagiging masaya at matagumpay ay hindi lang nakikita sa ating mga mukha at pangagatawan dahil may tinatawag din tayong internal happiness and success.
Ano man ang edad mo, kasarian mo, propesyon mo, o katayuan sa buhay, ito na nga siguro ang ultimate goal ng lahat sa atin: ang maging masaya at matagumpay.
Simulan natin sa external happiness at success. Paano nga ba natin ito makakamtan? May kasabihan tayo sa Ingles na “it is easier said than done” kaya dapat kung ano man ang iyong mababasa sa artikulo na ito, isabuhay ninyo.
- Alamin mo ang mga hilig mo
Mahirap maging matagumpay sa buhay kung hindi mo alam ang mga hilig mo. Dapat alam mo kung ano ba ang kinahihiligan mong gawin at saan ka interesado para alam mo kung saan ka magsisimula. At para ito ay mapayabong mo. Sa ganitong paraan, matutulungan ka rin nitonhg mai-set ang iyong goals o mithiin.
- Italaga ang iyong mithiin
May kasabihan tayo na walang paglalakbay kung walang destinasyon. Ano ang ibig sabihin nito? Sa lahat ng ating ginagawa sa buhay upang ito ay maging makahulugan at may patutunguhan, dapat sinisimulan ito sa paglalathala ng mithiin o goals na tinatawag.
- Magtapos ng pag-aaral
Siguro ito ay puwedeng simulan sa pag-aaral nang mabuti. Magtiyaga at magsipag tayong lahat mga bagets. Edukasyon lang kasi talaga ang ating magiging sandata sa lahat ng laban. Ito lang din ang puwedeng ipamana sa atin na walang sinuman ang makakukuha nito sa atin. Kahit pa sinasabi na marami ang naging matagumpay kahit hindi nakapagtapos ng pag-aaral o na-kick out sa eskuwela gaya ni Bill Gates, iba pa rin talaga kung nakapagtapos ka. Pinatutunayan pa rin sa mga statistics na malayo pa rin ang nararating at malaki ang kinikita ng mga taong nakapagtapos sa pag-aaral kaysa sa mga hindi. At kung ikaw naman ay graduate na, dumalo pa rin sa mga iba’t ibang training para mapaunlad at mahasa ang iyong skills.
Dumako naman tayo sa internal success at happiness na tinatawag. Paano naman kaya ito? Alam n’yo ba, balewala ang external success at happiness kung wala ka namang internal success at happiness sa buhay.
- Maging kuntento sa kung ano ang mayroon ka
Maging mapagpasalamat. Makuntento ka sa kung ano ang mayroon ka at sa lahat ng nangyayari sa buhay mo. Mahirap makamit ang kasiyahan na hanap mo kung hindi ka marunong magpahalaga sa kung ano ang mayroon ka ngayon pa lang.
- I-enjoy ang present
Maganda rin naman na ikaw ay looking forward sa isang magandang future mo, pero mas mahalaga na dapat ine-enjoy mo rin ang kasalukuyang sitwasyon mo para walang nasasayang na oras mo.
- Huwag ikumpara ang sarili sa iba
Tandaan, kahit lahat tayo ay gawa ng Diyos, may kanya-kanya naman tayong uniqueness na tinatawag. Kaya huwag na huwag mong ikukumpara ang sarili mo sa iba dahil mai-stress ka lang. Dapat ang kakumpitensya mo ay ang sarili mo at wala ng iba. Sa ganitong paraan, mas mapabubuti at mahahasa mo pa ang sarili mo.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo