MERONG COMMERCIAL ang Cebuana Lhuillier kung saan ang customer service representative sa isang pawnshop ay biglang naging si Celia Rodriguez. Sa nakakatawang advertisement na ito makikita natin ang isa sa mga hate-na-hate ng mga Pilipino – ang masungit na tindera at negosyante.
Marami ka na ngang maririnig na nakakabuwisit na balita sa TV, radio, at pahayagan tapos mabubuwisit ka pa sa masamang asal ng mga taong nakasasalamuha mo.
Ang negative attitude ay hindi lang nakasasama sa iyong negosyo at career, maari rin itong makaapekto sa ating kalusugan. Maari kang magkaroon ng depression, sakit sa puso, at iba pang mga health hazards kung magiging masungit ka. At hindi lang ‘yan. Kung ikaw ay madalas na sumimangot ay madali ka rin magkaroon ng wrinkles!
Bagama’t ang pagiging masiyahin ay hindi garantiya na ang mga problema mo ay malulutas, at least ito ay makapagbibigay ng sigla at kagaanan ng loob sa pagharap ng iyong suliranin.
Ang magandang ehemplo kung saan nakatutulong sa buhay ang positibong pananaw ay ang talambuhay ni Bingbong Crisologo. Si Bingbong ay isang pulitiko na nakulong nang ilang taon dahil sa pagpatay sa isang katungali sa kanilang probinsiya. Para sa mga nakararami, ang sitwasyon ng pagkakakulong nang ilang taon ay nakade-debelop talaga ng isang negatibong pananaw sa buhay at maaaring ganito rin ang kinahinatnan ni Bingbong noong mga unang buwan ng pagkakakulong.
Pero imbis na nagpakalulong si Bingbong sa kumunoy ng negatibismo, pinilit niya ang kanyang sarili na maging masiyahin at maka-Diyos. Binasa niya ang Biblya at palagiang nagdarasal. Pagkalipas ng ilang panahon siya ay naging isang Catholic lay preacher; at hindi lang ‘yon, nakayanan pa niya na makuha ang simpatiya ng taong bayan at nanumbalik uli siya sa pagiging pulitiko.
Kung nakayanang pagtagumpayan ni Bingbong Crisologo ang negatibismo sa buhay niya kahit siya ay nakulong, siguro naman, tayo na mas magaang ang suliranin ay kayang tularan ang kanyang ehemplo ng pagiging masiyahin at maka-Diyos.
—————————————-
Si Joel Serate Ferrer ay co-author ng bestselling book na PAANO YUMAMAN: 50 PERA TIPS TO MAKING AND SAVING MONEY. Ang libro na ito ay currently available sa National Bookstore, Pandayan Bookshop, at iba pang mga tindahan.
Pera Tips
by Joel Serate Ferrer