Maging Miyembro ng Informal Economy

ISA SA may pinakamalaking bilang ng miyembro sa programa ng PhilHealth ay ang Informal Economy. Rito nakasama ang mga sumusunod:

  • Informal sector kabilang ang mga dating non-professional na Individually Paying Members tulad ng mga nagtitinda sa palengke, pedicab at tricycle drivers, construction workers, at home-based industries;
  • Self-earning individuals/professionals – mga doktor, abogado, inhinyero, artista, arkitekto, atleta, coaches, at iba pa;
  • Mga Pilipino na may dual citizenship;
  • Naturalized Filipino Citizens;
  • Mga banyagang nagtatrabaho o nakatira sa Pilipinas;
  • Mga empleyadong nahiwalay sa trabaho; at
  • Mga indibidwal na mababa sa 21 taong gulang, ngunit hindi maaaring ideklarang dependent ninuman.

Napakadali lamang magparehistro. Punan nang tama at kumpletuhin ang PhilHealth Member Registration Form (PMRF) na maaaring mahingi sa alinmang Local Health Insurance Office (LHIO) ng PhilHealth, o i-download mula sa www.philhealth.gov.ph, at isumite ito sa PhilHealth.

Magbayad ng karampatang kontribusyon. P600 kada quarter o P2,400 isang taon para sa mga kumikita nang hanggang P25,000 kada buwan, kasama rin dito ang mga land-based migrant workers; P900 kada quarter o P3,600 isang taon sa mga kumikita ng higit sa P25,000 kada buwan. Maaari ring magbayad ng kontribusyon sa alinmang LHIO, piling PhilHealth Express Offices, o mga PhilHealth-Accredited Collecting Agents (local at abroad) tulad ng mg CIS Bayad Center branches, SM Retail Inc., bangko at iba pa. Ang kumpletong listahan ng mga accredited collecting agents o partners ay maaaring makita sa www.philhealth.gov.ph

Ang miyembro ay agad makatatanggap ng Member Data Record (MDR), at PhilHealth Identification Number Card.

Kung mayroong dapat baguhin sa MDR, isumite sa pinakamalapit na opisina ng PhilHealth ang PMRF na mayroong itinama o panibagong impormasyon o idinagdag na dependent. Lagyan ng tsek (√) ang “FOR UPDATING” na nasa bandang itaas ng PMRF. Ihanda ang kopya ng karampatang legal na dokumento kung sakaling hingin bilang patunay.

Ang miyembro at ang kanyang qualified dependents ay may benepisyo sa bawat karamdaman o operasyon. May nakatalagang halaga (Case Rates) na sasagutin ng PhilHealth, katulad halimbawa sa  Stroke – Hemorrhagic o Stroke na may pagdurugo kung saan sagot ng PhilHealth ang halagang P38,000. Para naman sa panganganak nang normal, P8,000 ang maaaring makamit sa ilalim ng Maternity Care Package sa Lying-In clinics, at P6,500 naman kung sa ospital. Umaabot naman sa halagang P19,000 ang benepisyong maaaring makamit kung ang pasyente ay sumailalim sa Cesarean Section.

Mayroon namang Z Benefit Package para sa may sakit na nangangailangan ng mahaba at mahal na gamutan. May mga kondisyon at panuntunan na dapat matugunan upang makamit ang mga ito sa mga piling ospital ng gobyerno.

Ilan sa mga inilunsad ng PhilHealth na Z Benefit Packages ay para sa breast cancer at prostate cancer, na may benepisyong P100,000 bawat isa; ang coverage para sa Coronary Artery Bypass Graft Surgery na umaabot naman sa P550,000; Kidney transplant na hanggang P600,000 ang coverage.

Mayroon ding mga benepisyong maaaring makamit ang mga nasa Informal Economy kahit hindi sila mao-ospital. Kabilang dito ang Tuberculosis-Directly Observed Treatment Short-course Package na maaaring makamit sa mga accredited TB-DOTS centers; ang lunas para sa kagat ng aso at iba pang hayop sa mga accredited animal bite treatment centers ng pamahalaan; Outpatient Malaria Package.

Upang maka-avail ng benepisyo, kailangang ang miyembro ay may kaukulang kontribusyon, accredited ang ospital at doktor, at hindi pa nauubos ang nakalaan na 45 na araw ng pagpapaospital sa isang taon, o ang hiwalay na 45 na araw na paghahatian ng kanyang qualified dependents.

Bago lumabas ng ospital, isumite and mga sumusunod sa Billing Section ng ospital:

  • maayos na napunan na PhilHealth Claim Form 1 na maaaring hingin sa ospital, tanggapan ng PhilHealth o i-download mula sa philhealth.gov.ph
  • Health insurance ID Card at/o updated MDR (maaaring photocopy)
  • katunayan ng kaukulang kontribusyon (photocopy)

Tandaan, ang mga gamot na binili at pagsusuring isinagawa sa labas ng ospital habang naka-confine ay maaaring ipa-reimburse sa ospital kung hindi pa nauubos ang kaukulang benepisyo para sa sakit. Siguraduhin ding naibawas ang PhilHealth benefits sa mga bayarin sa ospital at doktor bago pumirma sa Claim Form 2.

Para sa karagdagang tanong tungkol sa paksang ito, tumawag lamang sa aming Call Center sa (02) 441-7442 o magpadala ng email sa [email protected].

Alagang PhilHealth

Dr. Israel Francis A. Pargas

Previous articleThe Mind Museum Fever
Next articlePagbubukod Ng Simbahan At Estado

No posts to display