MATAGAL NANG MAINIT ang dugo ng marami naming kasamahan sa panulat kina Chin at Juris ng MYMP. May dahilan naman ‘yun, dahil nu’ng minsang kumakain ang tropa sa isang restaurant sa ELJ Building sa ABS-CBN ay biglang nagtaas ng paa si Chin at saka naghubad ng sapatos.
Natural, dahil “within smelling distance” lang ang mga manunulat kay Chin, nabastusan sila sa gitarista ng MYMP. Ni hindi man lang daw nag-excuse sa kanila si Chin, basta buong-ningning na lang na naghubad ng sapatos na para bang siya lang ang nag-iisang taong nabubuhay sa mundo nu’ng mga oras na ‘yun.
Ang kay Juris naman ay kailan lang nangyari. Kumakain din sa restaurant ang mga reporters nang biglang magtaas ng paa ang mahinhin pa namang bokalista, saka nagpamasahe.
Hindi rin nag-excuse sa kanila si Juris, basta nagpamasahe na lang ito nang nakataas ang paa, saka inilagay ang kanyang sapatos sa isang silya na malapit lang sa mismong puwesto ng mga kumakaing manunulat.
“Bagay na bagay nga silang mag-partner, pareho silang bastos!” komento sa amin ng isang kasamahan sa panulat na nabiktima ng MYMP.
Nakarating din sa amin ang kuwentong masyadong reklamador at maangas si Chin, marami palang tsetse-buretse ang gitaristang ito, kaya nu’ng minsan ay hindi na nakapigil pa ang isang ehekutibo ng ASAP at tinalakan siya nito.
Wala pa naman kaming naeeng-kuwentrong hindi kagandahang pangyayari na sangkot ang duwetong ito, pero ilang pagkakataon na ba ang pinalalampas namin?
Maraming nagpapadala ng ticket sa amin para sa kanilang concert, pero ipinamimigay rin namin, dahil nakakaantok ang kanilang atake.
Tama na ang minsang pinanood namin sila. Husto naman kami sa tulog nang nagdaang gabi, naidlip pa nga kami nu’ng hapon bago kami nanood ng concert nila, pero talagang inantok kami nang husto.
Maganda lang silang pakinggan sa una nilang kanta, sa ikalawa ay parang hinihila ka na ng antok, sa pangatlo ay siguradong maghihikab ka na.
Sa ikaapat ay tatayo ka na, lalabas ka na ng venue, bago ka pa makatulog sa loob.
NAGTAWAGAN SA AMIN kahapon nang umaga ang mga kaibigan naming naninirahan sa Matina Heights, Davao City, nanood kasi sila ng show ni Willie Revillame sa Agro Football Field nu’ng Sabado nang gabi.
Kuwento ng aming mga kaibigan ay basang-basa silang umuwi, dahil nu’ng lumabas na sa entablado si Willie ay bumuhos ang napakalakas na ulan, pero hindi pa rin nag-alisan ang manonood.
“Sobrang lakas ng ulan, parang naipon ‘yun at saka bumagsak nu’ng lumabas na si Willie. Sabi ko nga, it must have been a test kung aalis ba ang mga tao nu’ng bumagsak ang ulan.
“But to our surprise, walang nag-alisan, talagang nag-stay ang lahat, sigawan sila nang sigawan, they were chanting the name of Willie while he was singing.
“Kami rin, puwedeng pilipitan ang mga suot namin dahil sa sobrang pagkabasa, but we enjoyed the show, nakita namin nang personal si Willie!” masayang kuwento pa ng aming kaibigang si Marylyn dela Paz.
Sarado ang mga kalye sa palibot ng football field nu’ng Sabado nang gabi, sa estimate ni Marlyn ay nasa 120,000 ang nanood ng show, mismong kaibigan na naming maldita at supladita ang nagsabing matindi raw pala talaga ang charisma ni Willie.
“He’s not strikingly hanadsome, pero he’s full of charisma, parang walang nangyaring controversy sa Wowowee lately dahil sa init ng pagtanggap ng mga Davaoeños sa kanya.
“Parang tinalo nga niya ang Kadayawan Festival dahil sa festive ambiance ng concert niya, he’s really good, pagpunta ko diyan, you have to make an arrangement for us dahil gusto naming makita nang mas malapit si Willie,” pakiusap pa ng aming kaibigan mula sa Davao City.
Cristy Per Minute
by Cristy Fermin