TAMA ANG nabasa n’yo. Oo, posible. Puwedeng-puwedeng maging star ang mga bagets kahit maski ang mga feeling bagets, basta siguraduhin n’yo lang na nai-download n’yo na ang app na The Voice o ang Star Maker. Ito na nga ang app na binibigyan ng pagkakataon ang mga kabataan na maging star sa kani-kanilang simpleng paraan. Wala pang masyadong effort ang kailangan gawin dahil kahit nasa bahay ka lang, basta may wifi, at tiwala sa sarili, magiging star ka na rin maya-maya lang.
Hindi naman bago sa ating kaalaman ang The Voice. Ito ay isang singing competition na sikat na sikat sa buong mundo. Mayroong The Voice of UK, The Voice of USA at siyempre may The Voice of The Philippines. Sa nasabing competition, mayroong blind auditions na magaganap. Nakatalikod ang mga judges sa bawat kalahok, kapag nakursunadahan nila ang tinig ng kalahok, iyon palang ang pagkakataon na sila ay makahaharap na at makikita ang itsura ng kalahok. Ganoon din naman ang The Voice game app sa ating mga smartphones at tablet. O, ‘di ba? Hindi mo na kinakailangang pumila sa audition para lang makasali ng The Voice, dahil kahit sa bahay n’yo lang sa pamamagitan ng iyong cellphone o tablet, makasasali ka na sa pinakasikat na singing competition sa buong mundo.
Wala namang masyadong pinagkaiba ang The Voice App at Star Maker App maliban na lang siguro sa pangalan nila at kung saan sila puwedeng i-download. Dahil ang Star Maker ay puwede lamang mai-download sa iOs o sa Apple lang. Ang mga nasabing app din ay mayroong parehas na alituntunin ng laro. Makikita mo rin naman kung natatamaan mo ba ang tamang nota. Sa kalagitnaan ng iyong pag-awit, kinakailangan mo rin na mapabilib ang judges sa pagkanta mo para humarap sila sa iyo. Bawat pagharap ng judge, may katumbas ito na puntos na siyang dapat mong ipunin para maka-download pa ng maraming kanta na puwede mong awitin sa susunod mo pang blind audition.
Ito na siguro ang malaking kinaibahan ng The Voice App at Star Maker App sa The Voice na iyong napapanood, dahil sa dalawang apps na ito, kung hindi kayo pinalad sa iyong unang salang, puwede ka namang umulit para patunayan ang sarili mo agad-agad. Kahit ilang beses pa, puwedeng-puwede ‘yan! Tandaan, mas maraming puntos, mas masaya.
Kung gusto mo namang mas ma-challenge, aba, pindutin mo na lang ang battle mode para makasali si ate, si kuya, si mama, si papa, o si kaibigan. Kaya nga tinawag na battle mode, ibig sabihin, sabay n’yong aawitin ang iisang kanta at sa huli, kayo ay bibigyan ng puntos. Kung sino ang may mas mataas na score, siya ang tatanghalin na panalo!
Kung hindi pa kayo kuntento na manalo, puwede mo ring i-record ang iyong pagkanta. Diyan pa lang, instant star ka na dahil may recording pang magaganap. Kaya naman nakatutuwa talaga ang The Voice App at Star Maker App dahil iba ang mga ito sa normal na app na naglalabasan sa download stores. Kasi hindi lang ito basta basta laro dahil dito, nahahasa na nga ang talento mo sa pag-awit, nakapagbubuklod-buklod pa ito ng mga pamilya at barkada.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo