KUNG DATI-RATI, sikat na sikat ang kasagutang “kahit saan” kung tatanungin ka ng “Saan tayo kakain?” Ngayon iba na, bakit? Dahil ang bukambibig na ng mga bagets ay “Tara, sa Maginhawa.”
Sikat na sikat ngayon ang kalye ng Maginhawa lalo na kung pagkain ang pag-uusapan. Paano ba naman, kabilaan ang mga kainan dito. At ito pa, kahit kay daming nag-uusbungang restaurant ang mayroon sa Maginhawa, lahat patok dahil hindi naman sila pare-pareho ng hinahanda para sa mga customer. Kumbaga lahat ay may kanya-kanyang orihinal na konsepto. Lahat din ay swak sa panlasa at budget ng mga kabataang Pinoy.
Subalit, sa sobrang dami ng puwedeng kainan sa Maginhawa, hindi ka na makapili. Kaya, ako ay magrerekomenda ng mga iilang kainan na kakaiba na, masasarap pa ang ihahain para sa atin.
Kung romantikong date na swak na swak sa ipon mo mula sa iyong allowance, aba, dalhin na ang iyong girlfriend o kaya nililigawan sa napakanakakikilig na restaurant sa Maginhawa, ang Gayuma ni Maria. Pangalan pa lang ng nasabing kainan, magagayuma ka na, lalo pa kung matitikman mo ang mga specialty nilang Rock Me, Baby! (BBQ Baby Back Ribs) at Beats Sex Any Day (chocolate cake).
Sa mga hipster bagets na chill place ang hanap, Antiteasis: Books and Brews ang perpekto para sa inyo. Lakas maka-hipster vibe ng tea place na ito. Mula sa kanilang interior at disenyong hippie na hippie na. Para na rin ito sa mga book lovers dahil naggagandahang mga libro ang handog ng restaurant na ito.
Kung madalas kang mag-mood swing, bakit hindi mo subukang kumain sa restaurant na may mood swings din? Oo, tama. May ganoon nga. Ito ang restaurant na Van Gogh is Bipolar. Pangalan pa lang, ‘di ba, moody agad ang dating? Itong restaurant na ito ay pagmamay-ari ng isang travel photographer. Bohemian ang tema ng nasabing restaurant na may specialty na President Clinton’s Meal (Van Gogh rice with grilled Aussie lamb chop). ‘Yun nga lang dahil nga bipolar ang may-ari, bipolar din ang pagbubukas nito dahil minsan nagsasara na lang ito bigla kahit weekdays kung busy ang may-ari dahil nga siya ay isang “travel” photographer o kaya minsan din nagsasara ito dahil gusto niya lang. Bipolar nga, ‘di ba?
Dayuhin din ang Chili & Ink dahil kakaibang trip din ang mayroon ito sa buhay. Isa itong tattoo parlor at restaurant. O ‘di ba, saan ka nakakita ng restaurant at tattoo parlor in one? Sa Maginhawa lang ‘yan! Sa loob nito, may partikular na espasyo para sa kainan at para sa skin art. Ang specialty nila ay Hot ng Ina Mo Chicken wings.
Mayroon din naman sa Maginhawa na isang contemporary bake shop, ito ay wala nang iba kundi ang The Sweet Spot. Napaka-cozy ng lugar na ito. Kahit ikaw nga lang mag-isa magtungo sa lugar na ito, ayos na dahil para bang nakare-relax ang “spot” na mayroon sila. Samahan mo pa ng Cheese steak sandwich, Strawberry Mango smoothie, aba, makakalimutan mo panandalian na nag-iisa ka pala.
‘Yan muna ang baon ko para sa inyo. Sadyain n’yo ang mga restaurant na iyan dahil paniguradong hinding-hindi kayo magsisisi. Baka nga, magpabalik-balik pa kayo.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo