AKO PO AY maybahay ng isang OFW. Nasa construction po ang aking asawa sa Qatar. Sa isang taon n’yang pagtatrabaho roon, buwan-buwan ay nagpapadala siya ng P7,000.00 lamang sa aming pamilya. Kulang na kulang po ito sa aming pang-araw-araw na panga-ngailangan. Magkano po ba talaga ang dapat ipadala niya sa amin? At kailangan bang sa bangko talaga paraanin ang kanyang remittance? — Mercedes ng Bacolod City
MISMONG ANG MGA batas at alituntunin natin ang nagtatakda na ang OFW ay dapat mag-remit ng kanyang kinikita para sa kanyang pamilya rito sa Pilipinas. Isinasaad din sa batas na ang remittance ay dapat padaaanin sa mga bangko. Mahalaga ito hindi lamang para sa kanyang pamilya kundi para rin sa mga umaasa sa kanya at iba pang benepisyaryo rito.
Ang ating mga alituntunin ay may itinakdang mga porsiyento ng kita na dapat i-remit ng isang OFW. Iba-iba ang porsiyentong ito depende sa kung anong klase ng trabaho mayroon ang iyong asawa. Kaya dapat ay alamin mo muna kung ano ang trabaho niya at magkano ang kanyang kinikita. Narito ang iba’t ibang larangan ng trabaho at kung magkano ang porsiyento ng dapat na i-remit ng isang OFW:
1. Marino – 80% ng basic salary
2. Construction worker – 70% ng basic salary
3. Doktor, nurse, guro, engineer at iba pang mga professional na libre ang tirahan at mga pasilidad – 70% ng basic salary
4. Mga professional na hindi libre ang tirahan – 50% ng basic salary
5. Mga domestic worker at iba pang katulad na trabaho – 50% ng basic salary
6. Iba pang manggagawa na wala sa mga nabanggit na kategorya – 50% ng basic salary
7. Mga performing artist – 50% ng monthly salary
LIBRENG PAYO! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: [email protected].
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo