ANU-ANO PO ba ang sagot ng insurance ng OWWA? – Joey mula sa Cyprus
DAHIL SA dami ng lumiliham sa akin tungkol sa insurance ng OWWA, ilalahad ko na rito ang ilang pakinabang mula sa kontribusyong ibinibigay ng mga OFW sa OWWA:
- Ang face value ng insurance ay P50,000. Kunsakaling ang dahilan ng pagkamatay ay aksidente o kaya nama’y sadya siyang pinatay, tatanggap ang kanyang mga naiwan ng karagdagang P50,000 o kabuuang P100,000;
- P50,000 ang tatanggapin ng pamilya ng isang OFW na nagpakamatay. Ngunit kung nabaliw muna ang OFW bago ito nagpakamatay, sagot ng kumpanya ang insurance kahit anupaman ang petsa ng pagpapakamatay;
- Sa mga kaso naman ng pagkabalda, pagka-inutil o pagkaputol ng ilang bahagi ng katawan dulot ng aksidente at ito’y nalaman nang hindi hihigit sa 90 araw mula nang maganap ang aksidente, ito ay may katumbas na kabayaran ayon sa talaan ng OWWA. Halimbawa, ang pagkawala o pagkaputol ng dalawang kamay o dalawang paa ay babayaran ng P50,000, pagkabingi—P50,000; pagkawala ng kakayahang magsalita—P50,000; at iba pang kapansanan;
- May P20,000 na funeral grant para gastusin sa burol at libing ng OFW na namatay;
- Kapag nagkasakit o napinsala ang OFW habang nasa trabaho, tatanggap siya ng P10,000 mula sa OWWA.
Ang coverage ng insurance ng OWWA ay pandaigdigan, nasa trabaho man o wala ang OFW. Sakop din nito ang 60 araw mula nang matapos ang kontrata. Sakop ng OWWA insurance ang mga OFW na nasa peligro, tulad ng mga nasa lugar ng digmaan.
LIBRENG PAYO SA OFW! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: [email protected]
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo