KINONDENA NG KAPISANAN ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) ang magkasunod na pagpatay sa miyembro ng media, isa sa Mati, Davao Oriental at ang pinakahuli ay ang nangyari sa Laoag City.
Tahasang sinabi ng presidente ng KBP na si Herman Basbaño, na ang pagpaslang kina Joselito Agustin ng DZJC Aksyon Radyo Laoag at Jessie Camañan ng Sunrise FM sa Mati, Davao Oriental ay malaking dagok sa malayang pamamahayag sa bansa.
“I condemn in the strongest possible terms the barbaric attack that targeted innocent media practitioners. This barbaric and vicious attack on innocent journalist deserves the condemnation of every sector,” ayon kay Basbaño.
Kasabay nito, ipinanawagan ni Basbaño, na siya ring Vice-President at chief operating officer ng AM Division ng Bombo Radyo Philippines sa mga awtoridad na gumawa ng agarang hakbang upang mahuli ang mga salarin sa layuning mabigyan ng hustisya ang mga biktima ng pamamaslang.
Si Basbaño na miyembro ng Independent Commission Against Private Armies ay nanawagan din sa pamahalaan na hanapan ng paraan na matigil na ang patuloy na pamamaslang sa mga inosenteng kagawad ng media na karamihan ay hindi nabibigyan ng hustisya.
Ang Pilipinas ay isa sa mga bansa sa buong mundo na mapanganib sa mga media practitioners kung saan ang pinakamarahas na pangyayari ay nang maganap na masaker sa Maguindanao na ikinamatay ng mahigit sa 30 mamamahayag.
Matatandaang si Camañan, anchor ng Sunrise FM Radio sa Mati ay panauhin sa isang singing contests at nakaupo sa may tabi ng stage nang ito ay barilin ng isang lalaki at agad itong namatay nang tamaan ng bala sa bandang kanang tainga nito.
Ni Cynthia Virtudazo
Pinoy Parazzi News Service