PINAGDU-DUDAHAN NA nila akong publicist ng stem cell therapy sa Germany dahil sa madalas kong pagkukuwento tungkol dito.
Nakapag-guest pa ako kay Arnold Clavio para pag-usapan ito kaya akala nila libre ‘yung pagpapa-stem cell ko du’n sa Villa Medica, ha!
Kasi naman, kami lang ni Lorna Tolentino ang open na pag-usapan ito dahil ang iba tahimik lang at ayaw na nilang pag-usapan.
Ang isa pang tiyak na willing magkukuwento tungkol dito ay si Annabelle Rama na naka-schedule na raw umalis sa September 1 para magpa-stem cell sila ni Ruffa Gutierrez.
Si Richard Gutierrez pa nga raw ang gagastos para sa Mommy niya. Umaasa yata silang magiging kalmante na ang Mommy nila kapag naturukan na ito ng stem cell ng maamong tupa.
Malay nga natin baka ganu’n na nga kasi nahaluan na ito ng stem cell ng isang black mountain sheep doon sa Germany.
Excited na nga si Bisaya na umalis, at baka gumaling na raw ito sa mga sakit sakit niya.
Marami pa ang interesadong umalis at ako talaga ang lagi nilang pinagtatanungan.
Pero ang pinaghahandaan namin ngayon ni Lorna ay bumalik doon. Puwede raw kaming magpaturok uli after nine months, eh. Kaya pagha-handaan namin ni Lorna ‘yan.
Siyempre maghahanap pa ako ng sponsor niyan, ‘di ba? Kaya paghandaan namin ‘yan nang bonggang-bongga!
HINDI KAYA panahon na nga talaga ng stem cell lalo na sa mga senior stars, dahil mga oldies pala ang mga winners sa nakaraang Cinemalaya Philippine Independent Film Festival.
Nagkaroon nga raw ng awarding nu’ng nakaraang Linggo at naikuwento sa akin ng Startalk crew namin ang mga kaganapan du’n.
Inaasahan nang wagi si Eddie Garcia sa Best Actor dahil magaling daw talaga ito sa Bwakaw ni Jun Lana sa Director’s Showcase.
Ang iba pa palang winner ay si Anita Linda na Best Supporting Actress sa New Breed Category dahil sa magaling din niyang pagganap sa Santa Nina. Best Actress naman sa New Breed din si Amable Quiambao na bida sa Diablo.
Tumayo nga raw ang audience at pinalakpakan nang husto nang tinanggap ni Anita ang kanyang acting award. Sabi nga niya, 88 years old na siya at malakas pa rin daw siya para magtrabaho kaya tuluy-tuloy pa rin siya.
Ewan ko kung nagpa-stem cell ‘yan?
Si Manoy Eddie kaya, nagpa-stem cell din? Kasi malakas pa rin ito at ang sharp pa rin niya ha! Kasi naman tahimik lang sila at hindi na nila ikinukuwento. Kami lang naman ni Lorna ang maingay na pag-usapan ‘to.
Ang nakakatawa pa raw, nagkaroon ng pagkakamali roon sa pag-announce ng winners sa Best Supporting Actress at Best Actress sa Director’s Showcase.
Kasi ang mga bida sa Mga Mumunting Lihim pala na sina Judy Ann Santos, Iza Calzado, Agot Isidro at Janice de Belen ang nagwagi sa dalawang kategoryang ito. Bale ensemble acting ‘yun na napanalunan nilang apat.
Dalawang beses itong kinorek ng mga judges na bulung-bulu-ngan daw doon sa theater, na nagkaroon ng misreading o switching ng winners tulad ng nangyari sa Manila Film Festival scam noon. Wala naman daw ako du’n, bakit nagkaroon ng ganu’ng kaguluhan at kalituhan.
Eh, ‘di ba nandu’n si Gretchen Barretto? Joke lang!
Hay, naku! Kaya nga hindi na talaga ako tumutuntong sa mga awards night kasi baka may mga pagkakamali, ako pa ang pagbintangan, ‘no! Saka hindi ko na talaga ma-take na um-attend sa mga awards night.
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis