Narito ang ilan lamang sa mga sumbong na ipinadala sa pamamagitan ng aming text hotlines na 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
- Concerned citizen lang po rito sa Brgy. Holy Spirit, tama po ba na may bayad na P200.00 sa barangay kapag nagreklamo ka? Pati ang taong nireklamo mo ay magbabayad din ng P200.00. Tama po ba ‘yon? Kahit napeperhuwisyo na kami ng kapit-bahay namin ay hindi kami makapagreklamo dahil sa mahal na bayad. Sana po ay matulungan n’yo kami. Para saan pa na may barangay chairman at mga kagawad kung hindi naman nila aaksyunan ang reklamo mo kung hindi ka magbabayad?
- Iko-complain ko lang po itong computer shop dito sa tapat ng Rizal High School sa may Dr. Sixto Antonio Avenue, Caniogan, Pasig City dahil nagpapapasok sila ng mga estudyaneng naka-uniform kahit oras ng klase. Hindi po ba bawal iyon?
- Isang concerned citizen po ako dito sa may San Mateo, Rizal. Reklamo ko po ang basura na nakatambak sa may bungad ng Banaba Extension, hindi po hinahakot dito. Nangangamoy na at delikado sa kalusugan ng mga residente. Sana po ay matulungan n’yo kami.
- Irereklamo lang po ang tungkol sa basura namin dahil magtatatlong linggo nang hindi kinukuha. Dito po iyon sa Paradahan 1, Tanza, Cavite. Sana ay maging regular na ang pagkuha ng basura sa lugar namin.
- Sumbong ko lang po’yung overpass sa Lopez, Parañaque. Matagal na po kasing ayos iyon, since last year pa po, pero hanggang ngayon ay hindi pa rin binubuksan para madaanan ng mga tao kaya po ang mga pedestrian ay kung saan-saan na lang tumatawid.
- Iyong health center po namin dito sa Tala, Caloocan City ay naniningil po ng donation. Kapag magpapa-immunization o magpapabakuna po ay naniningil sila ng P50.00. Sana po ay maaksyunan.
- Dito po sa aming health center sa Brgy. San Isidro, Koronadal, South Cotobato ay may bayad po ang karayom para sa immunization ng mga bata. P25.00 kada isang karayom. Ang gusto ko lang po malaman ay kung talagang may bayad ang karayom.
Makinig at manood ng Wanted Sa Radyo 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM.
Ang inyong lingkod ay mapanonood din sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Mapanonood din ang inyong lingkod sa T3: Alliance sa TV5 tuwing Linggo, 1:30 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833.
Shooting Range
Raffy Tulfo