PUMANAW NA sa edad na 46 nitong August 31, 2021 ang komedyanteng si Mahal o si Noeme Tesorero sa totoong buhay.
Komplikasyon sa covid-19 ang dahilan ng kanyang pagkamatay base na rin sa pagkumirma ng kanynag kapatid na si Irene Tesorero. Binawian ng buhay si Mahal habang nasa isang ospital sa Batangas kung saan doon na siya naninirahan kasama ang kaibigang indie actor na si Mygz Molino.
Bago pumanaw si Mahal ay nadalaw pa nito ang kaibigang komedyante na si Mura na nakatira ngayon sa Guinobatan, Albay. Kasama noon ni Mahal si Mygz.
Makikita sa naturang video na naka-post noong August 20, 2021 ang masayang kumustahan ng dating screen partner pati na ang pag-aabot ng konting tulong ni Mahal sa kaibigan.
Naging kapansin-pansin din sa video ang tila cryptic message ni Mahal para kay Mura na para sa marami ay posibleng isa raw premonition ng kanyang nalalapit na pagpanaw.
Sabi noon ni Mahal kay Mura, “Yan ang tulong ko sa ‘yo. At least, ngayon lang ako nakabawi… Para hindi ka maubusan, meron ka nang pagkain at hindi ka na masyadong lalabas.
“At least nakapunta rin ako dito kasi ngayon lang ako nakapunta ng bundok. Hanggang sa tumanda ako, at uugod-ugod, siyempre pupunta pa rin ako dito. Pag may raket, iaano kita.”
Nasundan naman ito ng tila tagubilin na niya sa kaibigan na naging dahilan para maluha at maging emosyonal si Mura.
“Kapag halimbawa nawala ako sa mundo, mayro’n pang konting tulong ako sa ‘yo,” aniya.
Niyaya din noon ni Mahal si Mura na bumalik ng Maynila kapag okey na ang sitwasyon para maipagamot ito.
“Sama ka sa Maynila pagbalik namin. Para, at least, pa-therapy natin ang paa mo,” sabi pa niya.
Samantala, bumuhos naman ang pakikiramay sa social media ng mga artistang nakasama at nakatrabaho ni Mahal. Isa sa labis na nalungkot ay ang It’s Showtime Ms. Q and A grand finalist na si Bren Damage na nakasama niya sa bahay sa loob ng 2 taon.
“2 years din kita nakasama sa bahay at naging Alalay mo sa mga out of town shows mo.. araw araw gabi gabi magkakasama….
“Ang tapang mo para umabot ng ganyang edad sa kalagayan mo…Bago ka nawala nakagawa ka pa ng napakabuting gawain sa partner mong si Mura… Ang dami dami mong napasaya sa napaka genuine mong pagkatao Mahal ka ng lahat…
“Mahal ka namin MAHAL…. pahinga na aming Munting MAHAL….. NOEMI TESORERO MAY YOU REST IN PEACE,” pahayag ni Brenda Mage.
Maging si Ai-Ai delas Alas ay ikinagulat din ang pagpanaw ni Mahal.
“Hindi ako makapaniwala na wala na siya. Gusto kong umiyak pero hindi mag-sink sa akin na namatay na si Mahal,” sabi nito.