KATATAPOS LANG nating gunitain ang Araw ng mga Manggagawa at tamang-tama naman, ang inyong PhilHealth ay mayroong mahalagang mensahe para sa mga employer sa pribado o pampublikong sektor.
May mga umiiral na batas na nagsasabing dapat tama at sapat ang mga benepisyong nakakamit ng mga empleyado, hindi lamang sa usaping pinansiyal, kundi pati sa pagpoprotekta sa kanilang kapakanan sa oras na sila ay magkasakit, maaksidente, manganak, o magretiro. Kaakibat nito ang mga batas na nagsasabing dapat nagagampanan ng mga employer ang kanilang responsibilidad upang tiyak na maaasahan ng kanilang mga kawani ang mga benepisyong ito.
Sa ilalim ng Republic Act 10606 na mas kilala bilang National Health Insurance Act of 2013, maaaring singilin ng PhilHealth sa mga employer ang kabuuang halaga ng benepisyong medikal na nakamit ng isang empleyado na hindi pala ipinagbabayad ng prima o kontribusyon ng kanyang employer. May mga pagkakataon kasing hindi pala inire-remit ng employer sa PhilHealth ang halagang ikinaltas nito sa buwanang sahod ng empleyado bilang hati nito sa prima. Dahil pangunahing obligasyon ito ng isang responsableng employer, nararapat lamang na singilin ng PhilHealth ang halaga ng benepisyong nakamit ng miyembro, lalo na kung mapatunayan na talagang hindi ito ipinagbabayad ng prima ng kanyang employer. Ito ang buod ng PhilHealth Circular 003-2015 na dapat masusing pag-aralan ng mga employer.
Isa pang mahalagang panawagan ng PhilHealth sa mga employer ay ang pagbabayad ng prima para sa buwan ng Abril sa mga accredited collecting agents at mga sangay nito sa buong bansa. Madali lamang itong isagawa lalo na kung ang employer ay gumagamit na ng Electronic Premium Reporting System o EPRS na nagtitiyak naman ng agarang pag-post ng mga kontribusyon ng mga empleyado sa kani-kanilang membership account sa PhilHealth. Sa bilis ng teknolohiya ngayon, halos wala nang kailangang isumiteng papel ang employer sa PhilHealth dahil ang mga transaksyon ngayon ay unti-unti nang ginagawang electronic. Maraming employers na ang gumagamit ng EPRS, at saksi ang PhilHealth sa bentaheng nararanasan ng mga employer na ito dahil sa bagong pamamaraan ng pagsusumite ng ulat tungkol sa kontribusyon ng kanilang empleyado. Ang kontribusyon ng Formal Economy para sa buwan ng Abril ay kailangang bayaran ngayong Mayo. Sundan lamang ang nakatakdang schedule ng pagre-remit, ayon sa huling numero ng inyong PhilHealth Employer Number o PEN.
Bukas ang PhilHealth para sa pagsasagawa ng mga pagsasanay tungkol sa EPRS. Para sa mga interesadong employer, makipag-ugnayan lamang sa mga PhilHealth Accounts Management Specialists o PAMS na nakatalaga sa mga tanggapan ng PhilHealth sa inyong lugar.
Kung may karagdagang tanong kayo tungkol sa paksa natin ngayon, tumawag lamang sa aming Call Center sa (02) 441-7442, o magpadala ng email sa [email protected]. Maging updated sa mga balitang PhilHealth: bisitahin ang aming website,www.philhealth.gov.ph o ang aming mga official social media accounts: www.facebook.com/PhilHealth at @teamphilhealth sa Twitter.
Alagang PhilHealth
Dr. Israel Francis A. Pargas