KINUMPIRMA KAHAPON NG Smartmatic-Total Information Management (TIM) na umaabot na sa 328 Precinct Count Optical Scan (PCOS) machine ang natuklasang pumalpak bunsod ng pagiging depektibo kasabay ng nagpapatuloy na automated elections sa bansa.
Sa panayam ng Pinoy Parazzi kay Smartmatic-Asia Pacific President Cesar Flores, sa naturang bilang, 239 dito ang napalitan na habang ang natitirang 89 na makina ay pinoproseso pa ang pagpapalit.
Hindi naman masabi ni Flores kung saang partikular na mga lugar nanggaling ang mga depektibong makina.
Ilan sa mga makina ay nagkaproblema umano sa screen, printer, power source at maging sa compact flash (CF) cards.
Tiniyak naman ni Flores na may sapat silang makina na pampalit sa mga depektibong PCOS machines sa nagpapatuloy na halalan sa buong bansa.
Nabatid na umabot sa 82,200 na PCOS units ang inihanda ng Smartmatic para sa automated elections kahapon at mahigit sa 6,000 dito ang nakareserba para sa mga masisirang makina.
Samantala, tuluyang idineklara na ang failure of elections sa bayan ng Guimbal, Iloilo at isa pang bayan sa Samar.
Ito’y matapos na nagkapalit ang mga balota ng dalawang lugar kung kaya’t walang nangyarihang halalan.
Apat namang mga bayan sa Lanao del Sur ang inirekomenda na ideklarang may failure of election.
Ayon kay Brig. Gen. Rey Ardo, commander ng 1st Tabak Division, walang mga board of election inspectors sa bayan ng Sultan Dumalondong, Tubaran at Masiu dahilan upang ideklara ang failure of elections.
Inihayag ng opisyal na ang bayan ng Lumba-Bayabao ay may failure of elections matapos na hindi gumana ang mga precinct count optical scan (PCOS) machines na ginagamit sa halalan.
Pinoy Parazzi News Service