MAGING ANG demonyo ay siguradong manliliit at matutunaw sa hiya kapag nakarating sa kanya ang sukdulang kawalang-hiyaang ginawa ng kanyang kampon na si SPO4 Eduardo Ceniza noong November 17, 2012.
Nang araw na iyon, si Ceniza ay nakikipag-inuman sa tatlo niyang kapwa demonyo sa Brgy. Minuyan IV, San Jose Del Monte, Bulacan nang mapadaan ang papauwi nang popcorn vendor na si Rogelio Monsanto.
Inalok ni Ceniza si Rogelio ng tagay. Nang tumanggi si Rogelio, nagalit si Ceniza. Tinanong niya si Rogelio kung mayroon pa itong natitirang paninda. Nang malaman niyang wala na, lalong sumiklab pa ito sa galit at hinablot ang cellphone ni Rogelio.
Sinundan niya iyon ng pagbunot ng kanyang baril at paghampas nito ng ilang beses sa mukha ni Rogelio. ‘Di pa nakuntento, pinagsusuntok at pinagtatadyakan niya sa iba’t ibang parte ng katawan si Rogelio. Sa puntong iyon, ang tatlong kainuman ni Ceniza ay nakibugbog na rin sa walang kalaban-laban na pobreng patpating si Rogelio.
Nang makitang duguan at lupaypay na ang kanyang biktima, dinukot ni Ceniza sa bulsa ni Rogelio ang P800 na maghapong kita nito.
Pagkatapos, pinosasan ni Ceniza ang halos wala nang malay na si Rogelio at kinaladkad na parang baboy patungong barangay hall. Pagdating ng barangay hall, napansin ni Ceniza na animo’y wala nang buhay si Rogelio – ‘di na ito kumikibo. At para magkamalay, pinag-uuntog ni Ceniza ang mukha ni Rogelio sa dingding. Saglit na nagkamalay si Rogelio, pero agad din itong nawalan ng ulirat.
SA KAUNA-UNAHANG pagkakataon, ‘di ko mapigilang mapaluha nang marinig ko ang sumbong ni Rogelio lalo pa’t nang humagulgol ito habang patuloy niyang isinasalaysay sa akin ang sobrang pahirap na dinanas niya sa kamay ni Ceniza. Aking napag-alaman na si Ceniza ay nakadestino sa Manila Police District.
Sa pamamagitan ng programang T3 Reload sa TV5, ipinarating ko kay NCRPO Director Chief Superintendent Leonardo Espina ang kalupitan ni Ceniza. Nangako si Espina ng agarang aksyon.
Mapalad si Rogelio at sakop ni Espina si Ceniza dahil nakasisiguro siyang makakakuha ng mabilisang hustisya – ito ang tatak ni Espina. Ngayon pa lang, nakikita ko na ang siguradong pagkakasibak ni Ceniza sa serbisyo at pagkakakulong pa nito.
MARAMI ANG nanghinayang at ‘di si Espina ang susunod na hiranging PNP Chief kapalit ng magreretirong si Director General Nicanor Bartolome. Sa mga pahayag na binitiwan ni DILG Secretary Mar Roxas sa media kamakailan, lumilitaw na sigurado nang si Deputy Director General Alan Purisima ang papalit kay Bartolome.
Sa aking personal na karanasan, si Espina ay madaling mahagilap at matawagan kapag kinailangan siyang makausap para ilapit ang isang problema hinggil sa kapulisan na kanyang kinasasakupan.
Si Espina ang itinuturing ngayon bilang Darling of the Press sa PNP. Pero bago pa man siyang ma-promote bilang NCRPO chief, paborito na siya ng media lalo pa ng inyong lingkod. Makabuluhan ang mga binibitiwan niyang pahayag sa media kapag siya ay kinakapanayam.
Sa kabilang banda, si Purisima ay sobrang mailap sa tao at hindi lamang sa media. Wala pa akong natatandaan na insidente na sinagot niya ang tawag namin sa WANTED SA RADYO para idulog sa kanya ang isang sumbong.
Kamakailan, sa kanyang mangilang-ngilan na interview sa telebisyon tungkol sa kanyang napipintong promotion, halatang nangangapa siya ng mga sasabihin lalo na kapag may kinalaman hinggil sa estado ng kapulisan at ang sitwasyon ng peace and order sa ating bansa. Ito marahil ang dahilan – at hindi ko siya masisisi – kung siya man ay mahiyain na makipag-usap sa media.
Shooting Range
Raffy Tulfo