LIMANG TAON NA palang naghihintay ang tagahanga ni Maja Salvador sa Calapan, Mindoro sa pagdating ng kanilang idolo. For one reason or another, hindi nasasama ang naturang lugar sa mga personal appearances niya.
It took Aileen Go, VP-Finance for Megasoft para matupad ang pangarap nilang ito. Hindi tuloy makapaniwala si Maja na alas-8 ng umaga pa lang, napuna na nila ang isang gym na bukod sa napaka-init ay balikat sa balikat ang hitsura ng mga ito. Nagsulat din siya nang may nakahandang sorpresa sa kanya ang mga batang contestants sa “Kembot” dance portion, knowing na ang kanilang premyo ay “Sisters” sanitary napkins na ini-endorse ni Maja.
Dinalaw din ni Maja ang isang outlet ng “Sisters” kaya’t muling nagkagulo ang mga tao.
Maja was with a group of movie press na for the first time ay napasagot nila ng mga tanong na iniiwasang sagutin ng “Dance Princess.”
“Arborin ko na po sa inyo ang tungkol sa love life ko, ang mga lumiligaw at nagpaparamdam sa akin. Hindi ko po kasi p’wedeng banggitin ang kanilang names, dahil unfair sa kanila. Mayroon kung sa mayroon, pero hindi po talaga iyon ang priority ko ngayon, kundi ang trabho ko.
“There was a time po kasi na ayaw kong sumikat. Meaning, gusto ko pong mag-artista, pero natatakot po akong sumikat, magbida. May phobia po ako sa mga nangyayari sa ibang sumikat, pagkatapos, nawalang bigla. Masaya na po ako sa pagsupo-suporta, sa maniwala man kayo o sa hindi. Hindi ko po sinasabing natuwa ako na hindi naipalabas ang Moonriver na dapat sana’y launching ng team-up namin ni Geoff Eigennman. Takot na takot po ako sa magiging resulta, lalo na sa ratings. Nakahinga ako nang maluwag nang ilagay ako sa May Bukas Pa, dahil suporta lang at hindi masyadong malaking pressure.
“Pero ngayon po, handa na akong kung sakali. Naisip ko na biniyayaan ako ni Bro ng pagkakataong maipakita ang aking talento sa pag-arte, ng talino sa pagsayaw at mga endorsement na hindi ko rin akalaing bubuhos. Sabi nga po nila sa akin, ewan ko po kung totoo, nasa Top Ten daw po ako ng mga commercial endorsers ngayon (according to Nenet Roxas of Star Magic, totoong-too daw po).
“Aalisin ko na po ang takot ko, dahil mga 4 days na lang, matatapos na namin nina Shaina (Magdayao), Jake Cuenca at Geoff ang pelikulang Estrelya na idinirek ni Rico Ilarde. May ka-share na po ako sa pagdarasal na sana’y lumusot kami at tanggapin ng mga taong nagtitiwala sa amin, lalo na ang Star Cinema.
“Kahit paano po, natupad na rin po ang pangarap kong maipasyal abroad ang mom at only brother kong si Kirby. Mahirap po kasing isabay ko sila sa mga shows ko dahil hindi ko sila mabibigyan ng attention. Sa 3 weeks na bakasyon, nadala ko si Kirby sa Disneyland at nakipaghabulan kami kina Mickey Mouse at iba pang cartoon characters doon. Pumunta din kami sa Universal Studios, Magic Mountain at naghanap kami ng lugar kung saan makakakita ang kapatid ko ng snow.
“Noong una rin, sinasabi ko rin na ayaw kong maging milyonarya, dahil ipon na lang ako nang ipon pala. Hindi ko na maipae-enjoy sa mom at kapatid ko ang advantage ng may pera. Gusto kong matikman nila ang buhay ng mga pera. Nag-Water Front kami sa Cebu noong Pasko, Hongkong noong summer at U.S. nga po recently.
“Pero ngayon, gusto ko nang yumaman. Gusto ko nang bumili ng maraming bahay para i-regalo sa apat na Nanay ko. Tatlong kapatid ni Mama ang nagpalaki sa akin noon. Suwerte po ako dahil lahat sila’y naging napakabait sa akin. Lahat sila’y gusto kong regaluhan ng bahay, kung saka-sakali.
“Gusto ko rin pong magnegosyo sa tulong ng Ate Luchie ko. Masuwerte po siya sa negosyo at maganda ang buhay niya ngayon.
“‘Yun po, hindi na po ako takot sumikat at magbida ngayon. Hindi na rin po ako takot yumaman nang husto. Gusto ko nang maging bongga ang buhay ko. Sana, tulungan ako ni Bro na matupad ang mga pangarap ko. ‘Go! Go! Go!’ na po ako ngayon.”
BULL Chit!
by Chit Ramos