May isang pelikula na dapat mapanood ng mga Pinoy na nag-aalburoto dahil sa nakaraang eleksiyon.
Nanalo na si Mayor Digong Duterte bilang bagong Presidente ng Piliinas at si Congresswoman Leni Robredo naman na after magkaroon ng pagbibilang muli ay siyang hihirangin na Vice-President sa kabila ng mga pro-Bongbong Marcos na nagmamaasim.
Sa totoo lang bagay sa mga nagne-nega ang pelikulang laugh trip na “Tatay Kong Sexy” na pinagbibidahan ni Sen. Jinggoy Estrada at Maja Salvador na palabas na sa darating na Miyerkules, June 1.
Hindi ko nga namalayan na may pelikula pala si Sen. Jinggoy Estrada na nagawa bago ang mapait niyang pagkakakulong na mula sa direksiyon ni Direk Jose Javier Reyes.
Hindi man binigyan ng katawang pangromansa tulad ng mga kabarkada niya (Rudy Fernandez, Philip Salvador, at Sen. Bong Revilla), bumawi naman sa pagiging komikero si Sen. Jinggoy. ‘Yong comedy na alam mo na tatak-Jinggoy tulad sa ipinakita niya sa pelikula.
Yes, naaliw kami sa pelikula nila ni Maja na kung iisipin, mas kilala si Maja as a serious actress. Pero sa pelikulang ito, laugh trip kami sa karakter ng aktres (as Monette) na jack of all trade na lahat ng trabaho (fixer sa city hall, etc…) ay gagawin para may pangtustos sa batang pamangkin. Maja can be a comedienne sa ipinamalas niyang natural na papapatawa. Sa lahat ng forte ng pag-arte sa showbiz, ang comedy ang pinakamahirap.
Sa katunayan, puwede nga sila ni Sen. Jinggoy na maging love team sa pagpapatawa, dahil both ay relaks lang at kayang-kaya ang hirit at diskarte sa kanilang mga istilo, na kung viewer ka, mapangingiti ka na lang sa mga eksena ng dalawa.
Sayang nga lang at si Sen. Jinggoy na nakakulong pa rin ay hindi makatutulong sa pagpo-promote ng pelikula niya na hopefully ay kumita dahil kami mismo, naaliw.
Ilang beses kaming napatawa ng mga eksena nina Sen. Jinggoy at Maja Salvador.
Si Maja naman, ayaw payagan ng ABS-CBN na makapag-promote dahil sa kabisihan ng taping niya sa “Ang Probinsiyano” with Coco Martin. Hindi man lang maisingit sa sked ng aktres for a short presscon man lang sana.
I just hope this film will click sa Pinoy, kahit kulang sa promo ng mga bidang artista.
Ang pelikula, magkakaroon ng premiere night mamaya sa Martes, May 31, sa SM Manila at 7:00 p.m.
Kasama nina Sen. Jinggoy at Maja sa funny movie na ito sina Jolo Estrada (anak ni Sen. Jinggoy), Dominic Roque, at Empress Schuck.
Basta ang pelikuka for me ay isang funny at matinong comedy film ito.
Reyted K
By RK VillaCorta