IWAS NANG magsalita si Derek Ramsay kung ang pag-uusapan ay si Angelica Panganiban. Dahil feeling ng aktor, kahit ano pa ng sabihin niya ay bibigyan iyon ng pangit na kulay ng mga taong walang magawa kundi ang manira ng kanilang kapwa.
Sa bahay ni Derek sa may Taguig, matagal din ang namagitang pag-uusap naming dalawa. Marami akong nalaman tungkol sa kung ano ang totoong dahilan ng hiwalayan. Pero siyempre, off the record iyon.
Hindi sa kinakampihan namin si Derek. Pero ni isa sa mga akusasyon, walang tumutugma sa pagkatao ng binata. Dahil sa totoo lang, kung magsasalita lang si Derek ay magugulat ang lahat.
Hindi na tatangkain pang sagutin ni Derek kung ano man ‘yung mga ibinabatong negatibo sa kanya, dahil ang anim na taong pagsasama nila ni Angelica ay itinuturing ng aktor na isa sa magagandang bagay na nangyari sa kanyang buhay. Kilala ni Derek si Angelica at naniniwala siyang sooner ay matatapos din ang lahat ng mga intriga. Dahil napagtutuunan lang daw ng pansin ang naging relasyon nila ni Angel dahil sa interest ng ilang tao na may kinalaman sa ipalalabas na movie ng aktres.
Sa kabuuan, sinabi ni Derek na mas makabubuting huwag na siyang magsalita dahil kung magbibigay-komento siya sa mga reporter na magtatanong sa kanya, walang katapusang sagutan ang mangyayari. Basta ang importante daw ay masaya siya ngayon sa getting-to-know relationship with Alex. “Sana siya na. Feeling ko, mas maganda ‘yung ganitong very private ang buhay mo,” pagwawakas ng aktor sa Pinoy Parazzi.
BLIND ITEM: Kasumpa-sumpa ang ugali ng isang TV host na galing sa isang malaking TV network na ngayon ay nasa bakuran ng sumisikat na TV station. Dahil hindi pa man ito sikat, nagpi-feeling superstar na.
Well dati akala namin ay tsika lang na feeling primadona ang magandang TV host. Pero kami mismo ang nakaranas nang pagiging “feeling-feeling-an” nito, dahil one time ay hiningan namin ito ng isang maliit na mensahe. Pero, ‘day… pinaghintay kami nang mahabang oras at muntik na namin siyang hindi makausap dahil nang luma-bas sa silid ay magsisimula na ang programang bago niyang kinabibilangan.
Well kung hindi magbabago ang ugali ng TV host na ito baka ang grasya ay maging disgrasya, at isa na naman siya sa napakarami nang nagtangka sa showbiz na magkapangalan. Pero dahil sa attitude nilang kasuklam-suklam, ang kanilang career ay nalunod lang sa kangkungan. Tsuk!
UMABOT NA sa P100-M plus ang puhunan ng pelikulang El Presidente. At ayon kay Laguna Governor ER Ejercito, hindi ang box-office ang target nito sa Metro Manila Film Festival kundi ang quality ng kanilang pelikula.
“Hindi lang kasi sa Metro Manila Film Festival ipalalabas ang El Presidente kundi sa lahat ng school level. At natutuwa naman tayo dahil ngayon pa lang ay alam na nating magiging bahagi ang El Presidente na ginawa namin para mas lalong mabigyang kaalaman ang maraming kabataan tungkol sa history ng ating bayan,” ani ER nang personal naming puntahan sa Bagac, Bataan.
Aabot sa tatlong oras ang haba ng pelikulang El Presidente at ang bawat eksena ay nakapanghihinayang na putulin. “Alam ko magagawaan ng paraan ito. Dahil sayang naman kung may mapuputol. Sa movie na ito, makikita kung ano ang totoong kuwento sa buhay ni Emilio Aguinaldo. Kaya nga ngayon palang ay aprubado na ito ng DepEd.”
Malaki ang paniniwala ni ER na kung ang pelikulang Asiong Salonga ay humakot ng award, hindi malayong ganu’n din ang mangyari sa El Presidente.
“Magagaling na artista ang kasama ko rito. Nandiyan ang Superstar na si Nora Aunor, si Christoper de Leon, si Cesar Montano, Baron Geisler, at marami pang iba. Kaya kampante ako sa movie naming ito,” pagwawakas ng aming kausap.
More Luck
by Morly Alinio