ANG BUWAN ng Marso ay hindi lang simpleng buwan kung kailan nagaganap ang pagtatapos ng mga kabataan sa eskuwela. Hindi lang din ito Fire Prevention Month. Hindi lang din ito isang marka nang pagsisimula ng tag-init at ng bakasyon. May mas malalim at mas makabuluhan pa ang sinisimbulo ng buwan ng Marso. Ano nga ba ito? Ito ay ang International Women’s Month.
Kada ika-8 ng Marso, ipinagdiriwang sa buong mundo ang International Working Women’s Day. Nagsimula ito noon pang taong 1914. Patunay lamang ito na noon pa lang sinisikap na talaga na makamit ang buong kalayaan para sa mga kababaihan. Pero kahit ganu’n pa man, kay hirap pa ring makamit ito. Nariyan pa rin ang hindi pantay-pantay na pagtingin sa mga kababaihan at sa mga kalalakihan; mas binibigyan pa rin ng importansya ang mga kalalakihan; may mga bansa pa rin na hindi pinahihintulutang makapagtrabaho sa opisina ang mga babae; may mga businessmen din na hindi pantay ang pagpapasuweldo sa mga kababaihan kahit pa pantay lang sila ng ranggo ng isang lalaking empleyado; may mga bansa rin na hindi pa rin nabibigyan ng karapatan bumoto ang mga babae; at higit sa lahat, may mga padre pamilya na hindi pinahihintulutan na makihalubilo ang mga kanilang asawa sa labas ng tahanan nila dahil para sa kanila, ang mga babaeng asawa ay para lang sa tahanan – taga-alaga ng anak, taga-laba, taga-luto, taga-linis o isang taga-pagsilbi.
Nagsimula ang pagdiriwang ng International Women’s Day bilang isang socialist political event. Ito ay isang holiday event na napagkaisa ang mga kultura sa maraming bansa lalo na ang mga bansa na nasa kontinente ng Europa. Kung sa ibang kultura, pinagdiriwang ito bilang sa pamamagitan ng pagdaos ng programa kung saan nag-iimbita ng mga bisita mula sa karatig-bansa, mga kababaihan mula sa iba’t ibang lugar, kumbaga ginagawa itong napakalaking event, sa ibang rehiyon naman, ipinagdiriwang ang International Women’s Month partikular na ang International Women’s Day tuwing ika-8 ng Marso nang simpleng okasyon.
Nagkakaroon lamang ang bawat pamilya ng kaunting salu-salo habang nagbibigay pugay sa mga ina ng tahanan at sa mga anak na babae. Ipinapakita ng mga kalalakihan ang pagmamahal sa kababaihan gaya ng pagpapadama nito tuwing Araw ng mga Puso at Araw ng mga Ina. Sa ibang rehiyon din, kasabay ng pagpapaigting at pagpapalakas ng social awareness ng United Nations sa mga karapatan ng kababaihan, isinusulong nila ito sa pamamagitan ng pagsusuot ng violet ribbon.
Kaya naman ngayong buwan ng Marso, bigyan ng importansya at pansin ang mga kakayahan ng kababaihan. Kahit mga bagets pa lang tayo, hindi ito kabawasan sa mga magagawa natin. Hindi natin kailangang magsuot ng violet ribbon para makiisa sa International Women’s Month. Sapat na ang pantay na pakikipagkapwa sa mga kababaihan.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo