ISA SA pinakamadalas na sumbong na natatanggap ng aking programang WANTED SA RADYO (WSR) mula sa mga kasambahay ay bagaman gusto na nilang umalis, sapilitan pa rin silang pinagtatrabaho ng kanilang mga amo dahil sa umano’y patung-patong nilang utang na ‘di naman nila alam. O dili kaya’y hindi sila makaaalis hangga’t hindi nababayaran ang ginastos na pamasahe sa kanila ng kanilang amo nang paluwasin sila rito sa Maynila, at ‘di nila alam hanggang kailan nila pagtatrabahuhan ito.
Isa pa rin sa malimit na natatanggap na sumbong ng WSR mula sa mga kasambahay ay ang pagdadagdag ng responsibilidad sa kanila at pinagtatrabaho bilang waitress o tindera sa puwesto ng kanilang mga amo. Ang resulta nito ay matinding pagod at kakarampot na oras na lang ang kanilang tulog dahil sa doble ng trabaho na kanilang ginagampanan.
Pero dahil sa House Bill (HB) 6144 na naipasa na ngayon bilang batas nitong September 2012 – kilala sa tawag na Domestic Workers Act o Kasambahay Bill, ang sinumang amo na isusumbong ng kanyang kasambahay dahil sa nabanggit na mga reklamo ay maaaring makulong at mamultahan ng hanggang P40,000.
LINGID SA kaalaman ng marami, ang una at orihinal na author ng Kasambahay Bill ay si Cagayan Representative Jack Enrile. Ito ay ang Batas Kasambahay o The Magna Carta for Household Helpers – HB 553. Kanya itong ipinanukala nang una siyang maluklok sa Kongreso noong taong 1998. Ito ang kanyang tinaguriang pet bill at naging bahagi na ng kanyang adbokasiya.
Ayon kay Cong. Enrile, ang pagpanukala niya noon ng Kasambahay Bill ay isang pagkilala sa kanyang naging yaya na nag-alaga at naging bahagi sa kanyang paglaki. Naniniwala si Cong. Enrile na ang isang kasambahay ay dapat na ituring din bilang bahagi na ng pamilya at ‘di parang isang alila.
Bagama’t mula sa isang masalaping mestisong angkan, si Cong. Enrile ay may malaking puso para sa maliliit na tao. Patunay rito ay ang agad na pag-atupag niya sa kanyang pagkakaluklok sa puwesto sa kapakanan ng mga pinakaa-ping manggagawa ng ating bayan – ang mga kasambahay.
Dahil dito, isa si Cong. Enrile sa mga nangunguna sa a-king listahang iboboto sa senado sa darating na eleksyon.
SA ILALIM ng Kasambahay Bill, bukod sa pagbibigay-proteksyon sa kanilang mga karapatan, nakasaad din dito na dapat mabigyan ng mga benepisyo ang mga kasambahay katulad din sa mga pangkaraniwang manggagawa.
Kasama rito ang pagbibigay sa kanila ng SSS, medical at 13th month pay. Nakasaad din dito ang pagbibigay sa kanila ng pahinga nang ‘di bababa sa walong oras sa isang araw at kinakailangan mabigyan ng day-off minsan sa isang linggo.
May kakaharapin na kasong pagkakakulong at pagkakamulta ang sinumang among mapatunayan na lumabag sa mga karapatan ng kasambahay lalo pa kung sila ay pinagmalupitan.
ANG KASAMBAHAY Bill ay isang napakaimportante at makabuluhang batas. Pero may mga mambabatas na nagpapanukala rin ng mga walang katuturan na batas na kung tawagin ay kenkoy bill. Halimbawa na lang dito ay ang Anti-Planking Act of 2011 ni Cong. Winnie Castello ng Quezon City. Sa ilalim ng panukalang-batas na ito, ipinagbabawal ang
paghiga ng mga rallyista sa mga kalsada kapag ginagawa nila ang kanilang mga pagpoprotesta.
Pero marahil ang pinakakenkoy sa lahat ay ang Exact Change Act SBN 1775 ni Sen. Miriam Defensor-Santiago. Sa batas na ito, papatawan ng parusa ang isang sari-sari store na kulang ng singko sentimos halimbawa ang isinukli sa kanilang mamimili!
Shooting Range
Raffy Tulfo