LAHAT NA siguro ng uso ngayong summer ay nagawa na ng mga kabataan ngayon. Nariyan ang pagsa-sunbathing tuwing swimming outing, out of town man ‘yan o within the city lang. Nariyan din ang pagiging castaway ang peg sa trecking o hiking sa mga nagtataasang bunduk-bundok ng bansa. Nariyan ang pag-aala boy scout at girl scout sa camping sa kagubatan. Nariyan ang pagsisipag-sipagan mode on sa pag-enroll sa mga workshop.
Nariyan ang pagpapataba sa pakiki-fiesta sa mga probi-probinsya. Nariyan ang pag-YOLO sa mga summer parties tulad ng Close Up Forever Summer at Wanderland 2014. Malamang sa malamang ang iba sa inyo ay marahil nag-iisip na ng bagong pamamaraan sa pagdaos ng kakaibang summer trip ngayong taon.
At kung kakaiba ang hanap ninyo, bakit hindi subukang masulyapan ang mga iba’t ibang hugis at kulay ng hot air balloons na lilipad sa ating kalangitan sa 1st Philippine International Balloon Festival? Paniguradong bagong check ito sa inyong “firsts” bucket list!
Taun-taon naman isinasagawa ang Hot Air Balloon Festival dito sa ating bansa partikular sa napakagandang lugar ng Pampanga. Pero ang pinakakakaiba sa pagdaos nito ngayong taon ay isasagawa ito ngayong buwan ng Abril at sa Prado Siongco sa bayan ng Lubao. Dati ito ay ginagawa tuwing Pebrero at sa siyudad ng Angeles sa Pampanga. Mukhang magandang timing ito para sa mga kabataan na nag-e-enjoy ng kanilang bakasyon ngayon. Aba, para sa inyo yata talaga ‘to!
Ang 1st Philippine International Balloon Festival ay inorganisa ng Pilipinas International Balloon Festival, Inc. o PIBF sa tulong ng Arts, Culture and Tourism Office of Pampanga o ACTO. Suportado rin ito ng Provincial Government ng Pampanga. Ang nasabing Hot Air Balloon Festival Fiesta ay may tema na “It’s More than Just Hot Air”. Kaya atin nang i-expect na magle -level up ito mula sa mga nakaraang hot air balloons festival.
Ayon naman sa mga taong nag-organisa ng nasabing event, sa kanilang pag-estima, aabot sa humigit kumulang 100,000 na katao ang dadalo rito. Sa ticket ba naman na nasa halaga lamang ng P200.00 kada tao, sulit na sulit ito. Hindi na rin naman magiging problema ang parking dahil mura lang din ang parking fee dito. Ito ay nasa halagang P50.00. Kaya puwedeng-puwedeng isama ang inyong pamilya, kamag-anak at mga kaibigan.
Ang maganda pa sa event na ito ay hindi lang pagpapatalbugan ng hot air balloons ang mangyayari rito. Dahil may magaganap din na mga streetdances, car shows, wakeboarding shows, cooking competition ng mga iba’t ibang hotel at culinary schools, pagtugtog nang live ng iba’t ibang banda, pagpapalipad ng saranggola, balloon night glows, radio-controlled aircraft demonstrations, fireworks display at awarding ceremony.
Jampack na jampack ang araw mo. Saan ka naman makakakita na ang P200.00 mo ay ganito ang mararating? Eh, ‘di saan pa ba? Dito lang sa 1st Philippine International Balloon Festival!
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo