Makiuso Ngayong Summer

ANG MGA kabataan ngayon ay mahihilig sa mga makukulay, makikintab at kakaiba. Kaya nga ang fashion statement ng mga bagets ay nakakaaliw.

Naaalala n’yo pa ba ang ombre hair style, mohawk, skater skirts na nauso nitong mga nakaraang buwan lamang? Aba, may mas uuso na sa mga iyan. Anu-ano nga ba ang mga iyon?

Loom Bands

Lagi bang nakakulong sa kuwarto si ate? Si bunso, hindi ba nangungulit? Si mommy ba nawawala sa kusina? Naku po. Isa lang ang ibig sabihin niyan! Busy sila kagagawa ng loom bands!!! Ang loom bands ay isang uri ng accessories na gawa sa toy plastic loom o goma. Ang pinakasikat na uri ng loom band ay ang rainbow loom. Ito ay naimbento noong taong 2011 ni Cheong Choon Ng mula sa Novi, Michigan. Ayon sa statistics, buwan ng Setyembre nang nakaraang taon, 1.2 million units ng rainbow loom bands ang nabenta. At paglipas ng mga buwan, patuloy pa rin ang pagsikat ng loom bands na narito na nga sa Pilipinas. Ang paggawa ng loom bands ay isa nga sa naging paboritong libangan ng mga bagets ngayon sa kani-kanilang mga tahanan. Maging sa mga summer camps, ito rin ay parte ng kanilang activities.

Snapback

Kung may loom bands ang mga kababaihan, may snapback naman ang mga kalalakihan. Ang snapback ay isang klase ng sumbrero at isang slang term na may kahulugan na adjustable flat brim baseball cap. Kapansin-pansin naman kasi na mga baseball players talaga ang nagsusuot ng snapback. Sabihin na lang natin na sila ang nagpauso nito at ito na ang fashion statement ng karamihan sa mga bagets na kalalakihan. May mga kababaihan nga rin na nakikiuso at nagsusuot rin ng snapback para in.

Flower Crown

Usung-uso ngayon sa mga bagets ang makisaya at maki-party sa mga music festivals. Lalo na ngayong summer, sunud-sunod ang mga ito gaya ng Close Up Forever Summer at Wanderland 2014. Kung mapapansin n’yo, ang mga dumadalo rito ay para bang mga prinsesa at reyna sa kani-kanilang korona. Ito na nga ang flower crown. Isa itong palamuti sa ulo na pinauso ng mga hipsters. Kung dati-rati, sa kasal ka lang makakakita ng taong may suot-suot nito. Ngayon, aba, sa malls pa lang, nagkalat na ang mga babaeng may flower crown.

Fashion Eyewear

Ang mga bagets ay may kanya-kanyang peg. Mayroong gustong magpaka-hipster; mayroon ding gustong magpaka-nerdy look; mayroon ding gustong magpaka-geek; at marami pang iba depende sa mood nila. Kaya para ma-achieve ang ninanais na peg, nagsusuot ang mga bagets ng eye glasses na makadaragdag ng dating sa looks nila. Maraming klase, style at disenyo ng eyeglasses ang mayroon. Kaya hindi naman kataka-taka na sa tulong lang ng eyeglasses, puwede nang mag-iba ang look mo.

Ang mga nauuso ngayon ay patunay lamang ng kakaibang personalidad na mayroon ang kabataan. Makukulay, makikintab, kakaiba. Makukulay dahil sila ay masayahin. Makintab dahil sila ay angat sa iba. At kakaiba dahil ang mga bagets ay natatangi.

Usapang Bagets
By Ralph Tulfo

Previous articleMaldita Lover (15)
Next articleKasal sa Una, Gustong Magpakasal Ulit

No posts to display