ISANG RELIABLE source ang nagsabing itong isang Malacañang official ay napakasuwerte naman daw dahil madalas niyang nakaka-bonding itong isang magandang sikat na aktres sa loob mismo ng Malacañang. Ang style daw ni government official ay nagkikita sila ng aktres bago maghatinggabi at nagkakahiwalay lang pagsapit ng madaling-araw.
Tinanong ko ang source kung sino ang masuwerteng government official, pero sinagot niya ako ng tanong din na “sino ba sa tingin mo ang mga puwedeng patusin sa mga taga-Malacañang ng isang aktres na sikat?
Nagbato ako ng follow-up na katanungan, bakit hindi na lang sa hotel o sa isang tagong rest house pinapupunta ng misteryosong opisyal ang nasabing aktres at bakit sa Malacañang pa? Nag-isip siyang saglit, tila pinag-iisipang mabuti ang kanyang sasagutin. Pero nang sumagot siya, animoy nadulas at sinabi niyang dati na raw kasing nasunog sa hotel ang naturang opisyal at naging laman ng ilang blind items na kainuman ang iba’t ibang mga babaeng taga-showbiz. Malakas daw lumaklak ng alak ang opisyal na ito. At kapag nalalasing na nagpapasuray-suray ito sa hotel lobby.
Ang tanong n’yo ngayon, sino si Malacañang Boy? Ang clue ay nasabi na ng source nang siya ay madulas sa sagot niya sa aking tanong. At ang tanong n’yo pa rin, sino naman ang aktres? ‘Di bale na, bahala na kayong manghula, pasensiya na, hindi ako magbibigay ng clue. Isa kasi ako sa mga tagahanga ng kanyang kagandahan at halos magkandakuba-kuba pa nga ako sa kakatitig sa telebisyon sa tuwing nakikita ko siya sa kanyang noontime show – Mrs. Jocelyn Tulfo, relaks ka lang, ‘wag kang magselos, hehehe.
SAKSAKAN DIN ng pulpol itong ating gobyerno. Kapag ang mga kababayan natin na tulak ng droga – tulad ng mga drug mule – ay nahuli sa ibang bansa, agad na natataranta ang ating gobyerno. Mabilis na pinupuntahan ng mga opisyal ng ating embahada ang mga nahuling Pinoy sa kalaboso para siguraduhing maayos ang pagtrato sa kanila.
Pagdating naman sa oras na bibitayin na ang mga nahuling tulak na ito, buong puwersa ng pamahalaan ay aalalay sa kanila. Mula sa Pangulo hanggang sa Bise-Presidente pati na ang mga miyembro ng gabinete ay natataranta sa pakikiusap sa gobyerno ng bansang bibitay sa mga kababayan nating tulak para pakiusapan na huwag ng ituloy ang pagsintensiya. Pero kapag mga kababayan naman natin dito na walang mga kasalanan at biktima ng hulidap ay nakakalaboso, wala ni isang opisyal sa ating gobyerno ang natataranta.
Kamakailan, ipinangalandakan ng DFA na dalawang kababayan natin na nahulihan ng 46 grams na Shabu na nagkakahalaga ng mahigit $11,000 sa Macau noong February 01, ang kanilang tinutulungan para maprotektahan daw ang mga karapatan nila. Ang daming mga puwedeng matulungan dito mismo sa atin na mga biktima ng kawalang hustisya bakit pinoproblema ng ating gobyerno ang mga tarantadong kababayan natin na nagtutulak ng droga sa ibang bansa?
ANG T3 (Sagot Kita Kapatid) sa TV5 ay mapapanood sa bago na nitong timeslot na 5:15pm, samantalang ang Balitaang Tapat ay 1:30pm na, Lunes hanggang Biyernes pa rin. Ang WANTED SA RADYO naman sa 92.3fm at Aksyon TV ay pansamantala namang mapapakinggan at mapapanood tuwing 12:30-2:00pm, Monday thru Thursday at 2-4pm, Fridays. Babalik ito sa regular na 2-4pm weekdays timeslot pagsapit ng February 27.
Shooting Range
Raffy Tulfo