Malapit na ang tag-ulan…

BALIK-ESKWELA NA ang mga mag-aaral ngayong linggong ito, at kasabay nito ang pagbabalik din ng mga aalalahanin tuwing tag-ulan. Nagsisimula na kasi ang manaka-nakang pag-ulan, at marahil ang ilan sa atin ay namomroblema na naman sa mga maaaring sapitin ng ating mga anak o pamangkin, lalo na kung ang kani-kanilang paaralan ay madalas bahain.

Tuwing ganitong panahon, ang panawagan ng Kagawaran ng Kalusugan ay ang pag-iingat sa mga sakit na maaaring makuha tuwing tag-ulan, tulad na lamang ng leptospirosis na sanhi ng paglusong sa maruming tubig-baha lalo na kung may ‘open wound’ sa paa o sa lower extremities. Madalas din ang sipon, ubo, lagnat, maging diarrhea, o gastroenteritis.

Paano nga ba makaiiwas si Juan sa ganitong mga karamdaman?

Una, palakasin ang resistensya. Iwasan muna ang pagpupuyat, ang bisyo, at anumang aktibidad na magpapahina sa ating resistensya. Tiyaking may sapat na pahinga at pagtulog.

Pangalawa, kumain ng masustansiyang pagkain tulad ng gulay at prutas at iwasang uminon ng tubig kung hindi nakatitiyak kung saan ito nanggaling.

Pangatlo, huwag lulusong sa baha. Hintaying humupa muna ang tubig-baha o ‘di kaya ay makisabay na muna sa mga kaibigang may sasakyang kayang tahakin ang mataas na tubig-baha. Kung hindi maiiwasang lumusong, magsuot ng bota upang maproteksyunan ang inyong mga paa at binti.

Pang-apat, ugaliing magdala ng panangga sa ulan. Payong man o sombrero ang inyong dala, malaki pa rin ang maitutulong nito upang kayo ay maproteksyunan.

Kung sakali namang mao-ospital kayo nang dahil sa mga sakit na ito, manatiling kampante lamang dahil sagot ng PhilHealth ang malaking bahagi ng inyong gastusin sa ospital. Kung kayo naman ay kabilang sa listahanan ng DSWD, o ’di kaya ay Sponsored Program member na na-admit sa pampublikong pasilidad-pangkalusugan, wala na kayong babayaran pang higit sa benepisyong hatid ng PhilHealth.

Sa leptospirosis, sagot ng PhilHealth ang halagang P11,000.00 (sa ospital lamang). Sa pneumonia, sagot ng PhilHealth ang halagang P15,000 para sa moderate risk, P32,000 para sa high-risk, at P10,500 kung sa primary care facilities maa-admit dahil sa nasabing sakit. Tiyakin lamang na updated ang inyong hulog na prima at PhilHealth-accredited ang doktor at pasilidad na pupuntahan.

Kung may karagdagang tanong kayo tungkol sa paksa natin ngayon, tumawag lamang sa aming Call Center sa (02) 441-7442, o magpadala ng email sa [email protected]. Maging updated sa mga balitang PhilHealth: bisitahin ang aming website,www.philhealth.gov.ph o ang aming mga official social media accounts: www.facebook.com/PhilHealth at @teamphilhealth sa Twitter.

Alagang PhilHealth

Dr. Israel Francis A. Pargas

Previous articleBalik-Eskwela Dilemma
Next articleLumang Taktika

No posts to display